Proseso, binago... Boto para ma-convict si Sara, ilegal — Panelo

ni Mylene Alfonso @News | September 24, 2026

Photo: Sara Duterte at Sal Panelo - FB
Kinuwestiyon ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court na ibaba ang voting threshold para sa posibleng conviction sa impeachment trial ng Bise Presidente.
“Malinaw ang Article XI, Section 3(6) ng Saligang Batas. Ang botong kinakailangan for conviction sa impeachment ay 2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado. Hindi lang 2/3 ng mga senador na kayang makadalo sa pagdinig, lalo na at tahasang pinipigilan ng administrasyong Marcos ang malayang pakikilahok ng mga senador na tutol sa kanilang agenda, sa pamamagitan ng pananakot ng kaso at pagkakakulong,” ayon kay Panelo.
Aniya, labag umano sa Konstitusyon ang pagpapababa ng threshold at paglabag din ito sa due process ni VP Duterte.
Una nang ibinaba ng Senate Impeachment Court ang threshold o bilang ng boto na kailangan upang mahatulan si VP Sara sa kanyang impeachment trial.
Sa 13-1 na botohan, inaprubahan ng mga senador-judges ang mosyong inihain ni Sen. Erwin Tulfo na nagsasaad na ang two-thirds vote ay ibabatay lamang sa mga senador na legal at aktuwal na kwalipikadong lumahok sa paglilitis, at hindi sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado.
Bumoto pabor sina Senators Bam Aquino, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Tito Sotto, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Mark Villar, at Migz Zubiri.
Si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang bumoto ng “no,” habang hindi naman nakilahok sina Senators Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bong Go, Imee Marcos, Robin Padilla, at Camille Villar.
Sa ilalim ng bagong ruling, hindi kasama sa 2/3 voting requirement ang mga senador na nakakulong, suspendido, legally restrained, hindi alam ang kinaroroonan, may medical incapacity, o labas sa coercive processes ng Senado.





Comments