Ex-seaman, balak mag-abroad ulit pero mas suwerte sa negosyo

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| February 16, 2021

KATANUNGAN
Dati akong seaman, pero ayaw ko na sanang mag-abroad dahil ang hirap sa barko. Matapos kong maipagawa ang bahay namin at makabayad sa mga utang, nagdesisyon na akong tumigil muna sa pagsakay.
Gusto ko sanang magnegosyo dahil may naitatabi pa naman akong puhunan. Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, ano ba ang nakikita mo sa aking palad, puwede ba akong magnegosyo at kung puwede, anong negosyo naman ang bagay sa akin?
KASAGUTAN
Kapansin-pansing ikaw ay nagtataglay ng “square type hand” (Drawing A. at B. arrow a.). Ito ay nangangahulugang puno ng reserbadong lakas o energy ang iyong pagkatao. Kaya naman siguradong kapag sinalat ang iyong palad, mapapansing ito ay tumatalbug-talbog at tunay ngang larawan ng energetic personality. Kaya puwedeng-puwede kang sumubok ng iba’t ibang uri ng negosyo at hanapbuhay na sigurado namang magki-click at magtatagumpay.
Ibig sabihin, malaki talaga ang pontensyal na magtatagumpay ka sa larangan ng pangangalakal, na madali ring kinumpirma ng bilugan mong pangangatawan at birth date mong 17 o 8 (1+7=8). Kaya lang, dahil ang numerong 8 ay pinaghaharian ng planetang Saturn, kung matatandaan mo, hula ko lang, hindi ba noong unang taon mo sa pag-a-abroad, marami kang dinaanang hirap at pagsubok bago mo nakuha ang maganda mong posisyon o kalagayan ngayon?
Kung “oo” ang iyong tugon, sinasabing halos ganundin ang mangyayari sa sandaling nagnegosyo ka. Sa simula, maraming pagsubok at problema ang iyong masasagupa. Subalit kahit ganu’n ang mangyari, hindi ka dapat sumuko dahil karugtong ng iyong kapalaran ang subukin ka tadhana upang tumibay at tumatag ang iyong pagkatao. Pagkatapos nito, parang punong-kahoy, magkakaroon ka ng mas marami at hitik na mga bunga, na nangangahulugang pagkatapos ng mga pagsubok, lalo kang uunlad, sasagana at kahit na paano ay magiging maligaya.
Ang pag-aanalisang susuwertehin ka rin sa negosyo tulad ng sinuwerte kang makapag-seaman ay madali namang kinumpirma ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, basta tinutukan mo ang isang bagay, hindi puwedeng hindi mo makuha dahil tiyak na mapagtatagumpayan mo ito.
Ang pag-aanalisang may suwerte ka sa negosyo ay lalo pang pinagtibay ng Mercury Line (Drawing A. at B. n-n arrow c.), sa kaliwa at kanan mong palad. Ang Mercury Line na ito na bihira nating talakayin ay tinitingnan din kung susuwertehin sa negosyo dahil si Mercury ay “God of Commerce” sa mitolohiyang Griyego-Romano.
Kaya ang sinumang may isang malinaw at makapal na Mercury Line (arrow c.) ay siguradong magtatagumpay sa larangan ng pangangalakal, higit lalo kung simple o kakaunti lang ang guhit ng kanilang palad, na tinataglay ng mga taong may square type hand at straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanang palad. At dahil nagkataon pang otso (8) ang birth date mo, walang duda na sa pagnenegosyo, tulad ng nasabi na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, magtatagumpay ka at yayaman.
DAPAT GAWIN
Kaya, Alex, kung magsisimula kang magnegosyo ngayong 2021, ang nasabing pagyaman, ayon sa iyong mga datos ay magsisimulang maramdaman at siguradong magaganap sa taong 2029 sa edad mong 58 pataas.




Comments