Ex-PBA import, mas challenging ang laro sa 'Pinas kaysa Korea
- BULGAR

- Jul 6, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 6, 2020

Tiyak na maaalala ng mga tagahanga ng PBA si Ricardo Ratliffe na dalawang beses kinuha bilang import ng Star Hotshots (ngayon ay Magnolia) noong 2016 at 2017 Commissioner’s Cup. Matapos maglaro sa Pilipinas, naging mamamayan ng Timog Korea ang Amerikano noong 2018 at kinatawan ang kanyang bagong bansa sa mga torneo ng FIBA.
Gamit ang kanyang Koreanong pangalan na Ra Guna, inamin niya sa isang panayam sa FIBA na hindi niya makakalimutan kung gaano siya minahal ng mga Filipino. Bago siya naglaro sa Pilipinas, suki na si Ratliffe sa Korean Basketball League kung saan taon-taon siyang kinukuhang import simula 2012.
”I love the Philippines, it is actually fun to Basketball than when I play here in Korea,” wika ni Ratliffe. “In the Philippines, it’s free, they just give you the ball and let you do what you want.”
Kuwento rin na Ratliffe na noong 2018 Asian Games sa Indonesia, madalas sila magsama ni Jordan Clarkson ng Gilas dahil pareho silang produkto ng University of Missouri. Kahit hindi sila umabot, pabiro niyang sinabi na siya ang dahilan bakit pinili ni Clarkson mag-aral doon.
Hinihintay na bumalik ang qualifying games para sa 2021 FIBA Asia Cup ngayong Nobyembre. Nakatakda pang magharap ang Gilas at Korea ng dalawang beses, isa sa Pilipinas at isa sa Korea, kaya hindi makahintay ni Ratliffe at kanyang mga kakampi na makatapat ang karibal.
Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa Asya, tinanong kung sino ang kanyang limang pinakamahusay na manlalaro at una niyang binanggit si Yao Ming ng Tsina bilang sentro at ang kanyang sarili bilang power forward. Sinama niya sa listahan ang bagong retiro na kakamping si Yang Donggeun at sina Dar Tucker ng Jordan at Earnest Ross ng Guam na naglaro rin sa Missouri.
Binanggit din ni Ratliffe ang pangalan ng mga umuusbong na manlalarong sina Choi Jun Yong, Lee Dae Sung at Thirdy Ravena. Naniniwala siya na si Ravena, na bagong pirmang manlalaro ng San-en NeoPhoenix sa Japan Basketball League ang kinabukasan ng Basketball.
“I really enjoyed it and the fans out there are the best I’ve ever seen especially outside the US,” dagdag ni Ratliffe bilang pangwakas. “I feel like I have more fans in the Philippines than I have here. If I wasn’t here, I’d be playing in the Philippines right now.”




Comments