Ex-OFW na biktima ng investment scam, muling makapag-a-abroad at babangon
- BULGAR

- Jan 9, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 9, 2021
Dear Maestro,
Ako ay dating OFW at umuwi ako rito noong 2019 sa pag-aakalang malaki-laki na ang naipon kong pera na ipinadadala ko sa aking nanay. Puwede na sanang ipampagawa ng bahay at ipagpatayo ng isang maliit na grocery ang perang ‘yun, kaya lang, hindi nangyari ang pangarap ko at huli na nang malaman kong in-invest pala ng mga magulang ko sa isang pyramiding scam ang pera na pinaghirapan ko nang halos 7 taon sa abroad. Pilit naming hinahabol ang mga taong nanloko sa amin, kaya lang, nagtatago na ang mastermind.
Sa ngayon, panibagong apply na naman ako at hindi ko alam kung makakaalis pa ako dahil medyo may edad na ako at may COVID-19 pandemic. Sa palagay n’yo, malulusutan ba namin ang problemang kinakaharap namin at sa ngayon, may aplikayon ulit ako sa dati kong agency, matatanggap pa ba ako at kung matatanggap ako, kailan kaya at makapag-a-abroad ba ulit ako ngayong 2021? June 17, 1984 ang birthday ko.
Umaasa,
Sylvia ng Santo Niño, Tanay, Rizal
Dear Sylvia,
Huwag ka nang malungkot dahil isang batas ng kalikasan na hindi mapapasubalian, “Kapag may nawala, may darating ulit at kapag may binawi, may muling matatanggap at kapag tinalbusan ang kamoteng baging, lalo itong lumalago at dumarami ang dahon.”
Sa isang pamilya, mapapansin na kapag mahina na si lolo at lola at malapit nang bumigay, may mga apo namang naglalakihan upang pumalit o dumagdag sa inyong angkan.
Walang iniwan sa isang nabulok na bunga ng bayabas na nahulog sa sanga. Bukas-makalawa, sa bulok na bayabas na nahulog sa lupa, sumusupling ang panibagong maliit na mga binhi mula sa nabulok na bunga ng bayabas. At paglipas ng ilang mga taon, ang dating maliit na supling ng bayabas na nanggaling sa bulok na bunga ang siya namang mahihitik ng panibagong mga bunga sa panahong ng tag-araw.
Ganyan talaga ang natural na batas ng “nature” na sadyang inorasyon ni Lord noong unang araw pa lang ng paglalang at idinesenyo ng kalikasan sa bawat may buhay, “To multiply” o magpakarami at kalatan ang buong daigdig.
Ang problema, ang batas-kalikasang ito na ipinaliliwanag natin sa itaas ay hindi kadalasang nangyayari sa isang tao.
Sapagkat ang tao, hindi tulad ng halaman at mga hayop, masyado siyang madaling sumuko. Ang tao kasi ay likas na mainipin. Samantalang ang tao, kaunting pagsubok lang, nalulungkot agad, pinanghihinaan agad ng loob na tulad ng nasabi na, dahil sa kalungkutan at hina ng loob, imbes na muling umusbong at madagdagan ang dahon, agad nang namamatay dahil nawawalan ng pag-asa.
Ito ang kaibahan ng tao sa hayop at halaman— ang tao may damdamin. Hindi lang damdamin, ang iba pa nga r’yan, sobra kung magdamdam o sabihin na lang nating napaka-emosyonal, at ang pagiging maramdaming ito ang nagiging hadlang upang hindi niya matamasa ang biyaya ng panibagong pamumulaklak at pagpapala na mula mismo sa langit.
Kaya kapag nawawalan ka, anumang bagay ang nawala sa iyo, hindi ka dapat malungkot at magmukmok hanggang sa ma-depress at sa bandang huli ay magkasakit at ang sakit pang ‘yun ang ikamatay kapag minamalas-malas ka.
Kaya tama ang ginagawa mo ngayon, Sylvia, lumaban ka at muling magsikap. Kahit medyo may edad ka na, muli kang mag-apply sa abroad. Bumuo kang muli ng bagong pangarap, sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap ngayong 2021 sa edad mong 37 pataas. Muli kang makapag-a-abroad at sa ibayong-dagat, muli kang makakaipon ng sapat na salapi na magagamit sa pagpapagawa ng inyong bahay at may kaunti pang sosobra sa naipon mo upang tuluyan mo na ring masimulan ang binabalak n’yong negosyong grocery, hanggang sa tuluy-tuloy na muling umunlad, lumago ang kabuhayan at tuluyan na uling luimigaya ang inyong pamilya.




Comments