Ex-OFW, makakapag-abroad ulit, magkakaroon pa ng bagong asawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 30, 2022
Dear Maestro,
Nambabae ang mister ko noong nagtrabaho ako sa Hong Kong kaya naghiwalay kami. Ang masakit pa, hindi lang siya nambabae dahil tuluyan siyang sumama sa kabit niya.
Sa ngayon, nakikitira ako sa mga magulang ko. Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami ng mister ko? Hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya, pero kung sakaling hindi na kami magkakabalikan, sa palagay n’yo ba ay may lalaki pang darating sa buhay ko kahit may dalawa na akong anak? Kung mayroon pang lalaking darating sa aking kapalaran, ano ang kanyang zodiac sign at inisyal ng kanyang pangalan?
Dagdag pa rito, balak kong mag-abroad muli, may ikalawang pag-a-abroad ba sa aking kapalaran at kung mayroon, kailan naman ito magaganap? April 10, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Jhoanne ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Jhoanne,
Ayon sa zodiac sign mong Aries at birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1), tiyak na may ikalawa at mas mabungang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran, at ito ay inaasahang maganap sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Hulyo hanggang Agosto o sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre at sa edad mong 37 pataas.
Kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi ang mag-apply nang mag-apply sa abroad dahil sigurado ang magaganap. Tulad ng nasabi na, sa susunod na taong 2023, may ikalawang mas mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.
Samantala, ayon pa rin sa birth date mong 10 o 1 at sa destiny number mong 2 (4+10+1986=2002), may ikalawang pag-aasawa na itatala sa iyong kapalaran, kung saan ito ay hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Sagittarius. Gayundin, ang naturang lalaki ay makikilala mo sa pangingibang-bansa.
At sa ikalawang pag-aasawa na magaganap sa taong 2024 at sa edad mong 38 pataas, tulad ng nasabi na, tuluyan ka nang uunlad at habambuhay na liligaya, hatid ng lalaking nagtataglay ng initial na R.R.




Comments