Ex-OFW, makakapag-abroad ulit at yayaman
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 26, 2022
Dear Maestro,
Ako ay dating OFW sa Taiwan at umuwi ako dahil sa pag-aakalang malaki-laki na ang naipon kong pera na ipinadadala ko sa aking nanay. Puwede na sanang ipampagawa ng bahay at ipagpatayo ng isang maliit na grocery ang perang ‘yun, pero hindi nangyari ang pangarap kong ito at huli na nang malaman kong nagamit ng mga magulang ko sa isang investment scam ang pera na pinaghirapan ko nang halos 10 taon sa abroad.
Pilit naming hinahabol ang taong nanloko sa amin, pero ngayon ay nagtatago na ang mastermind. Sa ngayon, nag-a-apply na naman ako at hindi ko alam kung makakaalis pa ako dahil medyo may edad na ako at parang tinatamad na rin akong mangibang-bansa dahil sa nangyaring ‘yun at nagkataong nagka-depresyon pa ang nanay ko.
Sa palagay n’yo, malulusutan ba namin ang problemang ito? Ngayon ay may aplikasyon ako sa dati kong agency, matatanggap pa ba ako at kung oo, kailan ito mangyayari? June 9, 1981 ang birthday ko.
Umaasa,
Angie ng San Juan, Balungao, Pangasinan
Dear Angie,
Huwag ka nang malungkot dahil isang batas ng kalikasan ang hindi mapapasubalian — kapag may nawala, may darating at kapag may binawi, may muling matatangap.
Sa isang pamilya, mapapansin na kapag mahina na si lolo’t lola at malapit nang bumigay, may mga apo namang naglalakihan upang pumalit o dumagdag sa inyong angkan.
Walang iniwan sa isang nabulok na bunga ng bayabas na nahulog sa sanga at nalaglag sa lupa. Bukas-makalawa, sa bulok na bayabas, kusang susupling ang maliliit na binhi mula sa nabulok na bunga ng bayabas at pagkalipas ng ilang taon, ang dating maliit na supling ng bayabas na nanggaling sa bulok na bunga ang siya namang mahihitik ng panibagong mga bunga.
Sa nabulok na bunga ng bayabas, panibago at mas maraming bayabas ang kusang uusbong at dadami sa tamang panahon.
Ganyan talaga ang natural na batas ng nature o kalikasan na inorasyon ni Lord noong unang araw ng paglalang at idinesenyo ng kalikasan sa bawat may buhay, “to multiply” o magpakarami at kalatan ang buong daigdig.
Tulad ng bayabas na nabulok sa sanga at nalaglag sa lupa ang lihim na prinsipyo ng buhay, tunay ngang kailangan mong mawalan upang muling magkaroon ng dagdag at mas marami pang mga bagay.
Ito rin ang prinsipyo kung paanong ang kamoteng baging ay lalong lumalago habang tinatalbusan ang kanyang mga dahon. Kailangang mawala ang talbos upang sa pinagputulang sanga, uusbong ang dalawa, tatlo o mas marami pang mga sanga, na siya namang muling uusbungan ng panibago at mas malagong mga talbos at dahon.
Hindi nalalaos o naluluma ang prinsipyo ng kalikasang ‘yan. At ang batas ng kalikasang ito ay hindi lamang nagaganap dito sa Pilipinas kundi sa lahat ng panig ng mundo. Kailangang may mawala upang may pumalit na bago. Kailangang may matuyo at malanta upang magkaroon ng panibago at mas maraming bunga.
Ang problema, ang batas-kalikasang ito na ipinapaliwanag natin ay hindi kadalasang nangyayari sa isang tao. Sapagkat ang tao ay hindi tulad ng halaman at hayop dahil masyado siyang madaling sumuko. Ang tao kasi ay likas na mainipin, kumbaga, kaunting pagsubok lang ay nalulungkot at pinanghihinaan agad ng loob. At tulad ng nasabi na, dahil sa kalungkutan at hina ng loob, imbes na umusbong at madagdagan ang dahon, agad na namamatay dahil nawalan na ng pag-asa.
Ito ang kaibahan ng tao sa hayop at halaman — ang tao ay may damdamin. Hindi lang damdamin, ang iba r’yan, sobra kung magdamdam o napakaemosyunal. Ang pagiging maramdaming ito ang nagiging hadlang upang hindi niya matamasa ang biyaya ng panibagong pamumulaklak at pagpapala na kinakatawan ng bagong mga dahon at binhi sa nalaglag na bunga ng mga pagpapala mula sa Maykapal.
Kaya kapag nawawalan, hindi dapat malungkot at magmukmok hanggang sa ma-depress at sa bandang huli ay magkasakit, at ‘yun pa ang ikamatay kapag minalas-malas.
Tama ang ginagawa mo ngayon, Angie, lumaban ka at muling magsikap, kahit medyo may edad ka na, muli kang mag-apply sa abroad. Gayundin, bumuo kang muli ng bagong pangarap, sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 42 pataas dahil muli kang makakapag-abroad.
Sa ibayong-dagat, muli kang makakaipon ng sapat na salapi na magagamit sa pagpapagawa ng inyong bahay at may kaunti pang sosobra sa naipon mo upang tuluyan mo na ring masimulan ang binabalak n’yong negosyong grocery hanggang sa tuloy-tuloy na umunlad at lumago ang kabuhayan ng inyong pamilya.




Comments