Ex-gf, makakabalikan kahit tutol ang mga pamilya
- BULGAR
- Feb 2, 2023
- 4 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 2, 2023
Dear Maestro,
May pagka-lesbian at may hitsura naman ako, pero mas humahanga ako sa mga babae. Sinubukan kong mag-boyfriend, pero itinigil ko, bagama’t iniisip kong kailangan ko ring magkaroon ng normal na pamilya, ngunit hindi ako masaya sa piling ng mga lalaking nakakasama ko.
Pinangarap kong may magkagusto sa aking babae, alam ko na malabo ‘yun, pero tama pala ‘yung sinasabi nila na minsan, ang pag-ibig ay dumadating sa mga sandaling hindi mo inasahan.
Minsan ay magkakasama kami ng mga katrabaho ko, tapos tinext ko ‘yung kaibigan ko at pinapunta ko siya, hindi raw siya puwede at nalaman ko na pinsan niya na pala ang may gamit ng number niya. Naka-text ko ‘yung pinsan niya at nagkakilala kami.
Tawagin na lang natin siyang “Babe”, 31-anyos at isang CPA. Sawa na raw siya sa pakikipag-text sa mga lalaki, kaya gusto naman niyang makakuwentuhan ay babae.
Naging close kami at parang magkapatid ang turing namin sa isa’t isa. Isang buwan kaming ganu’n hanggang sa napagpasyahan naming magkita. Walang nakakaalam sa pagkikita namin, pero nagulat ako nang pumunta siya sa amin. Nalaman niya pala sa pinsan niya kung saan ako nakatira.
Sobrang ganda niya at professional ang dating, kaya na-insecure ako at inisip na hindi niya ako papatulan, at okey na ako na magkaibigan lang kami. Nagyayaya siyang gumala, palagi kaming magka-chat at inaabot pa ng madaling-araw. Du’n ko napansin na parang may gusto siya sa akin, pero naisip ko na baka ganu’n talaga siya sa mga kaibigan niya. Ayaw kong ipakita na may gusto ako sa kanya dahil alam niyang magkaibigan lang kami.
Umamin din siya at sana raw ay makakita siya ng lalaki na kapareho ko ng characteristic.
Dinedma ko ‘yung mga sinabi niya kahit kinikilig ako nang malaman na pareho kami ng nararamdaman. Pagkatapos nu’n, sinabi niyang mahal niya ako at sana raw ay maging kami.
Naging kami at masayang-masaya ako dahil natupad ang pinagdadasal ko na sana ay may magkagusto sa aking babae. Tumagal nang 1 year and 5 months ang aming relasyon. Madalas kaming gumala at madalas na rin siyang pumupunta sa amin, pero ang alam sa bahay ay magkaibigan lang kami.
Ako ang nakauna sa kanya sa lahat dahil wala pa siyang nagiging boyfriend. Ang dami naming happy moments at sobrang saya namin. Subalit, dumating ‘yung panahon na natakot siya na malaman ng pamilya niya dahil hindi raw nila matatanggap ang relasyon namin, hanggang nakipaghiwalay siya. Sobrang sakit dahil mahal na mahal ko siya. Maging magkaibigan muna raw kami dahil marami pa siyang priorities, pero ayaw niya nang mawala ako sa buhay niya, at ngayon, nagte-text siya pa rin siya.
Noong kami pa, pangarap naming makapag-abroad at ngayon, nasa Ireland na siya at ako naman ay malapit nang pumunta sa Canada. Nagkakamustahan pa rin kami sa e-mail at chat, pero isang taon na kaming hiwalay. Mahal na mahal ko pa rin siya at palagi ko siyang nami-miss at naaalala. Bago siya umalis, nagpaalam at pumunta siya sa amin, binigyan pa niya ako ng gift.
Mahal pa rin ba niya ako ngayon, gayundin, ano ang dapat kong gawin sa kanya at sa buhay ko ngayong wala na siya?
Umaasa,
Abigail ng Dalig, Balayan, Batangas
Dear Abigail,
Kung ako lang ang babaeng minahal mo, sa palagay ko, hanggang ngayon ay mahal na mahal ka niya. Bihira namang mabura agad ang isang totoong pag-iibigan tulad ng inyong naranasan.
Gayunman, upang tayo ay makatiyak, mas maganda kung siya ang tanungin mo kung mahal ka pa rin niya nang sa gayun ay hindi masayang ang napakatamis at nakakakilig n’yong pagmamahalan.
Kung mahal ka pa niya, puwede ka niyang tulungan na makapunta sa Ireland at du’n kayo magsama at magpakaligaya. Puwede rin naman na kapag natuloy ka sa Canada, siya naman ang lumipat ng trabaho ru’n at du’n kayo magsasama at magmamahalan habambuhay. Magagawa n’yo ‘yan dahil pareho kayong matalino at professional.
Dagdag pa rito, kapwa naman kayo tunay na nagmamahalan.
Alam mo, sa lipunan o kultura lang nating mga Pilipino, conservative ang religious upbringing natin at ang ating kultura, kaya bawal ang maging bakla o tomboy. Pero kung ako lang ang tatanungin, mahal ko ang mga tulad n’yo dahil ginagawa n’yo ‘yun dahil du’n kayo mas magiging maligaya.
Tulad ng sitwasyon mo ngayon, kung du’n kayo maligaya ni Babe, ano ang magagawa ng iba, samantalang nasa hustong edad na kayo, at responsable sa sariling buhay at kapalaran?
Sa halip, ‘yung tao na palagi mong katabi, kasama — tomboy man siya, lesbian, bisexual o kahit ano pa ang tawag – siya ang kasangga mo sa mga problema, gayundin siya ang dadamay at magmamahal sa iyo habambuhay.
Hindi naman sa kinukunsinti kita, pero ayaw naman kitang maging malungkot. Sabi nga ng psychologist na si Sigmund Freud, okey lang na magpakaligaya kung hindi ka naman lumalabag sa umiiral na batas ng lipunan na iyong kinabibilangan.
At dahil tugma at compatible naman ang birth date n’yo at zodiac sign (na hindi ko na binanggit) siguradong darating muli ang isa pang sitwasyon na hindi n’yo rin inaasahan, kung saan muling pagtatagpuin ng langit inyong mga landas, muli kayong magkikita at magiging close sa isa’t isa.
Sa sandaling nangyari ‘yun, anumang alalahanin at bagabag ang gumigiit pa rin sa inyong relasyon, huwag n’yong intindihin ‘yun. Sa halip, alang-alang sa masarap at masaya n’yong pagmamahalan, sundin n’yo ang tinitibok ng inyong mga puso, panaigin n’yo ang pag-ibig sa isa’t isa, at magsama na kayo upang habambuhay na lumigaya.
Comments