Ex-cop sa road rage incident, patawan ng mabigat na parusa
- BULGAR
- Aug 30, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 30, 2023
Nakatakdang magsampa ng alarm and scandal complaint ang Quezon City Police District (QPCD) laban sa dating pulis na nakuhanan ng viral video na nambatok at nagkasa ng baril sa isang siklista sa Quezon City.
Ayon kay QCPD Director Nicolas Torre III, nasa City Hall of Justice sa Office of the Prosecutor, ang kanyang mga tauhan mula sa Police Station 11 (Galas) para magsampa ng kasong alarm and scandal laban kay Wilfredo Gonzales, isang dating pulis na sangkot sa nabanggit na insidente. Aniya, ang mga pulis sa nasabing istasyon ay tumayong mga complainants.
Sinabi ni Torre na naging basehan nila ang video na lumabas noong Linggo, Agosto 27, at ang baril na iniwan nito noong siya ay dinala sa istasyon para sa altercation, kasama na ang siklista, kung saan nangyari noong Agosto 8.
Sa ngayon aniya, nag-file muna sila ng kaso, habang hinihintay nila ang magiging guidance ng mga piskal kung paano mapalakas ang kaso na isinampa nila sa naturang ex-cop.
Paliwanag ni Torre, kahit na nagkaroon ng mas maagang amicable settlement ang dalawa, hindi sakop nito ang alarm and scandal.
Nanawagan naman ang QCPD director ng tulong sa mga Kababayan para mapalakas ang kaso, lalo na ang naturang siklista o abogado, at maging sa cycling community na humihingi ng hustisya sa krimen na makipag-ugnayan sa kanila.
Ayon pa kay Torre, tinitingnan din nila ang posibilidad na magsampa ng mga kasong grave threat at attempted homicide, kung ang siklistang sangkot sa video ang siyang lalabas at makipag-cooperate sa pulisya. Giit niya, kakailanganin ng pulisya ang personal na reklamo mula sa aggrieved party.
Nauna nang ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte nitong Lunes ang imbestigasyon kung paano pinangangasiwaan ng QCPD ang kaso, habang umapela ito sa complainant na lumapit upang ang naturang ex-cop na itinuturing niyang banta sa lipunan, ay panagutin.
Hindi man agad, mainam na inaksyunan ng QCPD ang ginawa ng dating pulis.
Gayunman, tila hindi sapat na binawian lamang ng lisensya noong una, kumpiskahan ng mga baril at ngayon ay sampahan ng kasong alarm and scandal ang abusadong ex-cop.
Kahit pa sabihing nagkasundo na ang magkabilang panig, na posibleng ang biktima ay nakipagkasundo lamang dahil sa takot sa kanyang buhay, at nais na matapos na ang kaso, kulang pa rin ang maaaring maging kaparusahan ng akusado.
Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga ganitong klase ng insidente upang hindi na maulit pa, at magsilbing babala rin sa lahat lalo na sa mga abusadong pulis.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments