eTravel system na ang gagamitin sa pagbiyahe
ni Ryan Sison @Boses | April 3, 2023
Simula sa Mayo 1, ipapatupad na ang full-scale eTravel system at hindi na kailangang i-fill out ang paper-based departure card bago umalis ng bansa ang mga kababayan.
Sa inilabas na advisory noong Marso 30, 2023 ng Bureau of Immigration (BI) na naka-post sa Facebook, nakasaad na ititigil na ng kagawaran ang pagre-require ng paper-based arrival/departure cards simula Mayo 1, 2023.
Sa pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang eTravel system ang gagamitin na para sa parehong arriving at departing passengers.
Sinabi pa ng opisyal na ang mga travelers ay hindi na kailangan pang ifill out ang mga departure card at sa halip, maaaring mag-log in sa online portal bago ang kanilang flight.
Patungkol naman sa full-scale implementation ng eTravel system, ipinaliwanag ni eTravel technical working group (TWG) chairperson Dennis Javier na simula Abril 15, ang mga paalis na mga pasahero ay maaaring mag-log in sa platform (etravel.gov.ph) nang hindi lalampas sa 72 oras at hindi lalampas sa tatlong oras mula sa nakatakdang oras ng kanilang flight.
Ayon pa kay Tansingco, isa itong pangunahing hakbang para sa pag-i-streamline ng mga dokumento na ipinrisinta ng mga departing travelers, na nagbibigay-daan para sa mas mabilis at episyenteng pagpoproseso ng immigration.
Mahusay ang programang nais ipatupad ng kinauukulan para sa ating mga kababayang paalis at paparating ng bansa.
Hindi lang mga pasahero ang makikinabang dito kundi pati na rin ang kanilang mga tauhan dahil magiging mas mabilis ang pagpoproseso ng mga dokumento at maiiwasan din ang maabala bago pa umalis ang mga biyahero.
Madagdagan pa sana ang mga ganitong klase ng programa na makatutulong nang malaki sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments