top of page

Esporma nagkampeon sa TCS Animo Marathon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 5, 2024
  • 1 min read

Updated: Mar 6, 2024

ni Anthony Servinio @Sports | March 5, 2024


ree


Inuwi ni Welfred Esporma ng Adidas Runners Manila ang kampeonato sa 2024 TCS Clark Animo International Marathon noong Linggo na nagsimula at nagtapos sa Clark Global City sa oras na 2:49:48. Dinaig niya ng 7 minuto sina Albert Omboga ng Kenya (2:56:48) at Jonathan Espiritu (3:02:46).

       

Ang 42.195 kilometrong karera ay dalawang ikot sa loob ng Clark Freeport Zone at sertipikado ng IAAF-AIMS. Dahil dito, ang oras na makakamit ay maaaring gamiting batayan upang makapasok sa Abbott World Marathon Majors sa Boston, New York, Chicago, Tokyo, Berlin o London Marathon. 

       

Nagbantayan ang tatlo hanggang tuluyang kumalas si Esporma matapos ang unang ikot. Mula roon ay unti-unti siyang lumayo at walang duda ang resulta. 

     

Sa panig ng kababaihan, wagi si Lady Madonna Soliman na pangkalahatang ika-10 na nagtapos sa 3:37:15. Sinamahan siya sa entablado nina Vanilyn Baguis (3:49:30) at Jennifer Uy (3:57:01). 

       

Ang iba pang kampeon ay sina John Paul Carreon at Kana Antonio sa 21.1 km Half-Marathon, Jefferson Buyan at Babes Danao sa 10 km  at Jethro Callanga at Elaine Tasay sa 5 km. Nagkaroon din ng espesyal na karera sa 2.5 km. 

      

Ang taunang karera ay nasa kanyang ika-14 edisyon at proyekto ng De La Salle Alumni Association-Pampanga Chapter. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa La Salle Botanical Gardens at Angeles City Watershed Project. 

      

Tinatayang 5,000 ang tumakbo sa 42, 21, 10, lima at 2.5 km. Matapos ang kampeonato sa Clark, tatakbo ang tubong-Bukidnon na si Esporma sa Seoul Marathon sa Marso 17 sa Timog Korea. Matatandaan na nagtapos siya ng pangatlo sa 2024 Philippine Airlines Manila International Marathon noong Pebrero 24 kung saan ang BULGAR ay opisyal na media partner.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page