Espanya sa ika-2 korona ng FIFA, Argentina sinawi
- BULGAR

- 7 hours ago
- 1 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | July 21, 2026

Photo:
Isinipa ni reserba Ferran Torres ang nag-iisang goal sa makapigil-hiningang 1-0 panalo ng Espanya laban sa defending champion Argentina at makamit ang FIFA World Cup 2026 kahapon sa harap ng mahigit 80,000 sa MetLife Stadium sa East Rutherford, New Jersey kahapon. Ito ang pangalawang kampeonato ng mga Kastila matapos ang una noong 2010.
Kasisimula pa lang ng pangalawang 15 minuto ng extra time, ipinasa ni Pedro Porro ang bola kay Nico Williams na nakatayo malapit sa goal. Lalampas na ang bola sa linya kaya ibinigay niya ito sa umaatakeng si Torres para makabutas sa ika-106.
Tinanggap ng mga Kastila ang tropeo at mga medalya mula kay Pangulong Donald Trump at FIFA President Gianni Infantino. Napiling Golden Ball o MVP si La Roja kapitan Rodri habang Best Young Player ang 19-anyos na si Cubarsi at Golden Glove o Best Goalkeeper si Unai Simon na isa lang ang pinalusot sa buong torneo laban sa Belgium noong quarterfinals.
May konsuwelo na Silver Ball si Argentina kapitan Leo Messi na maaaring nilaro ang huling World Cup sa edad 39. Bronze Ball si Kylian Mbappe ng Pransiya na inuwi rin ang pangalawang sunod na Golden Ball o pinakamaraming goal na 10 matapos ang walo noong Qatar 2022.
May apat na taon na ang La Roja para maghanda at sa Espanya gaganapin ang World Cup 2030 kung saan co-host din ang Portugal at Morocco. Dahil ito rin ang unang siglo ng torneo, may panukala ang FIFA na palakihin lalo ito sa 64 bansa kaya may tsansang makalahok sa unang World Cup ang Pilipinas.





Comments