Embiid, Middleton, Hill at Booker, mga walang pasma
- BULGAR

- Jan 8, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 8, 2021

Sa gitna ng isang tensyonadong araw sa NBA, natuloy pa rin ang mga laro at nanatiling numero uno sa buong liga ang Philadelphia 76ers matapos iligpit ang bisitang Washington Wizards, 141-136, sa Wells Fargo Center para umangat sa 7-1 panalo-talo. Laman ng balita ang kaguluhan sa tahanan ng Wizards at naramdaman din ito sa ibang mga laban.
Gumawa ng walong sunod-sunod na puntos si Joel Embiid para lumamang ang 76ers, 139-131, papasok sa huling dalawang minuto at sinigurado ang panalo sa tira ni Ben Simmons na may 33 segundo sa orasan, 141-135. Nagtapos si Embiid na may 38 puntos habang may 28 si Seth Curry upang masayang ang 60 puntos ni Bradley Beal ng Wizards.
Saglit naantala ang simula ng laro ng Boston Celtics sa Miami Heat matapos lumabas sa korte ang mga bisita bilang protesta sa nagaganap sa Washington at sa hindi paghain ng kaso sa pulis na bumaril kay Jacob Blake, isang itim na taga-Wisconsin, noong Agosto na siya rin naging dahilan noon bakit nagprotesta ang Milwaukee Bucks at natigil ng ilang araw ang NBA Playoffs sa loob ng bubble sa Orlando, Florida. Nagpulong ang dalawang koponan ang nagpasya na ituloy ang laro para sa mga tagahanga at hindi sila nagkulang.
Itinapik papasok ni rookie Payton Pritchard ang mintis ni Marcus Smart na may 0.2 segundo sa orasan para ibigay sa Celtics ang nakakapanabik na 107-105 tagumpay sa Heat. Patuloy pa rin ang magandang nilalaro nina Jayson Tatum na may 27 puntos at Jaylen Brown na may 21 puntos.
May nakatakdang laro rin ang Bucks at agad nilang inilampaso ang Detroit Pistons, 130-115, kung saan umabot ng 34 ang kanilang lamang sa third quarter, 92-58. Gumawa ng 25 puntos at walong rebound si MVP Giannis Antetokounmpo at tinulungan siya ni Khris Middleton na may 23 puntos.
Sa isa pang mahigpit na laban, ipinasok ni George Hill ang dalawang free throw galing sa foul ni Lonzo Ball na may 12 segundo sa orasan at nagmintis si Nickeil Alexander-Walker upang makatakas ang Oklahoma City Thunder sa New Orleans Pelicans, 111-110. Nanguna muli para sa Thunder sina Shai Gilgeous-Alexander na may 21 puntos at Darius Bazley na may 20 puntos at 12 rebound.
Nakibahagi muli ang Phoenix Suns sa liderato ng Western Conference kasama ng defending champion Los Angeles Lakers matapos ang 123-115 panalo sa naghihingalong Toronto Raptors. Gumawa ng 24 puntos si Devin Booker at 21 buhat sa anim na tres si Jae Crowder upang umangat sa 6-2 habang ang Raptors ay sinamahan ang Pistons na may pinakamababang kartada sa buong NBA na 1-6.
Panalo ang Orlando Magic sa Cleveland Cavaliers, 105-94. Namuno ang reserbang si Terrence Ross na may 20 puntos habang may ambag na 19 puntos si Dwayne Bacon.
Matapos mag-bayani sa kanilang huling tagumpay, nagpasikat muli si Malcolm Brogdon sa 114-107 na panalo ng kanyang Indiana Pacers sa Houston Rockets. Nagsabog ng 35 puntos si Brogdon at may double-double si Domantas Sabonis na 22 puntos at 12 rebound at umangat sa 6-2 kapantay ang Magic para sa ikalawang pwesto sa Eastern Conference.





Comments