top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Electric vehicles para sa mas malinis na kapaligiran

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 17, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 17, 2023


Makakatulong sa bansa ang transisyon o paglipat sa electric vehicles (EVs) bilang hakbang ng gobyerno patungo sa “decarbonization”, ayon sa environmental group na Pollution Control Association of the Philippines Inc. (PCAPI).


Ito ang naging pahayag ng PCAPI matapos na sabihin ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na maaaring magkaroon ng rebisyon ang Executive Order No. 12 series of 2023 sa Pebrero 2024, makaraang maglabas ng mga hinaing ang ilang personalidad sa industriya ng EVs o de-kuryenteng sasakyan sa hindi pagsama sa mga electric motorcycle sa ilalim ng EO.


Paliwanag ng grupo, ang tax incentives para sa mga e-motorcycle ay makakatulong sa karamihan ng mga mamamayan na tangkilikin ang paglipat sa isang abot-kaya at eco-friendly na mode of transportation.


Ayon kay PCAPI Vice President for External Affairs, Jeremiah Dwight Sebastian sa isang panayam, magbibigay-daan ito sa higit na karamihan ng public access para sa abot-kayang transportasyon. Gayundin aniya, maaaring mabawasan ang pinaniniwalaan niyang isang pangunahing isyu, ang polusyon sa mga highly urbanized na mga komunidad.


Binigyang-diin naman ng grupo na hangga’t may kakulangan sa mga impormasyong dapat na makalap at mga isyung kailangang talakayin, ang mga polisiyang magpapaunlad sa kalidad ng hangin ng bansa, katulad ng EO12, ay dapat na maipatupad nang maayos.


Batay sa Statista Research Department, mayroong 7.81 milyong motor na nakarehistro sa Pilipinas noong 2022, kung saan hawak ng mga motorsiklo ang malaking bilang ng mga motorista sa bansa.


Plano naman ng Department of Energy (DOE) na paabutin sa 2,454,200 ang bilang ng mga electric vehicles pagsapit ng 2028, na binubuo ng mga kotse, motorsiklo, tricycle, at bus. Bahagi rin sa programa ng ahensya ang pagtatayo ng 65,000 charging stations sa bansa.


Maganda ang naisip na paraan ng naturang environmental group na mag-shift ang mga mamamayan sa mga de-kuryenteng sasakyan.


Ito ay makakatulong sa pag-decarbonize ng bansa at mapigilan na umasa sa fossil fuel pagdating naman sa power generation.


Malaking tulong din ito sa kabawasan ng polusyon sa ating kapaligiran dahil sa rami ng mga sasakyang naglipana sa mga lansangan.


Kailangan lang marahil ng buong suporta ng kinauukulan at ng taumbayan upang maging matagumpay ang planong ito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page