eGilas Pilipinas kampeon sa eFIBA World Finals Qatar S4
- BULGAR

- 14 hours ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 6, 2026

Photo: Kampeon sa eFIBA ang Team Philippines EGilas sa World Finals 2026 sa Qatar. Tinalo ng koponan ang Türkiye sa Grand Finals, 2-0 (64-62 at 68-60). (seasportsnewsfb)
Kampeon sa unang pagkakataon ang eGilas Pilipinas sa eFIBA World Finals Qatar Season 4! Winalis ng mga Pinoy ang Turkiye sa thrice-to-beat Grand Finals, 64-62 at 68-60, para sa $20,000 (₱1,228,917) gantimpala.
Binubuo ang koponan nina Miguel Carlo Hubillar, Prich Jayrald Diez, Joshua Miguel Machado, Kenneth Charles Gutierrez at Chris Edward Briones. Ang mga reserba ay sina Juan Gabriel dela Pena at John Emmanuel Reyes sa gabay nina Coach Nite Alparas at Coach Anthony de Jesus.
Bumuhos ng kabuuang 68 puntos sa Finals si Hubillar para mapiling MVP. Kasama niya sa All-star Five sina Best Defensive Player Gutierrez, Machado, Medhi Ben Sethoum ng Pransiya at Mecit Can Boy ng Turkiye.
Gamit ang pinakabagong NBA 2K para sa PS5, halos perpekto ang lakbay tungo sa makasaysayang kampeonato. Ang nag-iisang talo ay sa kamay ng Pransiya, 52-61, sa Upper Bracket Finals Game 1 subalit bumawi at kinuha ang dalawang sunod, 63-59 at 67-64, para sa unang upuan sa Grand Finals. Unang pinabagsak ng eGilas ang mga Pranses (64-53), Algeria (73-52) at Alemanya (72-45) para walisin ang Grupo A. Dinaig nila ang Lebanon, 67-58, sa knockout Upper Bracket Semifinals.
Walang pangkalahatang World Champion sa Season 1 na ginanap online at sa halip ay nag-korona sa bawat kontinente kabilang ang Pilipinas sa Asya.





Comments