top of page

ECOFEST RUN SA ALABANG 3RD LEG SERIES NG MNL CITY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 6, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 6, 2023



ree

Pagmamahal sa Inang Kalikasan ang isusulong ng EcoFest Run sa Oktubre 22, 2023 sa Central Park ng Filinvest City Alabang – ang pangatlong yugto ng seryeng MNL City Run ngayong taon. Ang nasabing karera ay para sa mga proyekto ng Million Trees Foundation at hatid ng Rule & Rich Events Management kasama ang Pamahalaan ng Lungsod ng Muntinlupa.

Maaaring pumili ang mananakbo sa 21, 16, 10, lima at tatlong kilometro. Magkakaroon din ng espesyal na isang kilometrong karera kasama ang alagang aso. Kasalukuyang ginaganap ang pagpapalista sa sangay ng Decathlon sa Festival Mall hanggang Oktubre 19 o hanggang maubos. May online din sa My Run Time.

Kasama sa paglista ang sando at numero na gagamitan sa pagsukat ng oras habang may damit para sa mga aso. Lahat ng mga tatlong unang magtatapos na lalake at babae sa bawat kategorya ay tatanggap ng premyo.

Lahat ng magtatapos ay gagawaran ng medalya at kasali sa raffle pagkatapos ng takbuhan. May karagdagang t-shirt para sa magtatapos ng 21, 16 at 10 kilometro.

Dahil ang EcoFest Run ay para sa kalikasan, hinihimok ang lahat na magdala ng sariling lalagyan ng inumin. Ito ay upang mabawasan ang kalat pagkatapos ng karera.


Layunin ng Million Trees Foundation ang magtanim ng isang milyong puno o kawayan bawat taon sa mga lugar gaya ng Angat, Ipo, Umiray, Kaliwa, La Mesa, Laguna Lake at Upper Marikina kasama ang Manila Bay. Nagsimula noong 2017, maliban sa pagtatanim ay naglilikha sila ng kabuhayan para sa mga nakatira sa mga nabanggit na lugar.


Matagumpay na ginanap ang Heartbeat Run noong Marso 12. Sinundan ito ng Freedom Run noong Hunyo 11.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page