Eclipse, pahiwatig na maglalakbay kasama ang kaibigan
- BULGAR
- May 23, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 23, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerry ng Albay.
Dear Maestra,
Araw-araw kong sinusubaybayan ang column n’yo. Maaga akong bumibili ng dyaryo para hindi maubusan dahil mabiling-mabili ang BULGAR dito sa amin. Gustong-gusto kong basahin ang column n’yo, gayundin, gusto kong isangguni ang aking panaginip.
Napanaginipan ko na may eclipse akong natanaw sa kalangitan. Kinabahan ako dahil ang alam ko ay hindi maganda ang ibig sabihin nito. Tama ba ang iniisip ko? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng eclipse na nakita ko sa aking panaginip?
Naghihintay,
Gerry
Sa iyo, Gerry,
Huwag kang mabahala sa panaginip mo. Ang eclipse sa iyong panaginip ay nagpapahiwatig na maglalakbay ka sa malayong lugar kasama ang iyong matalik na kaibigan at siya ang gagastos sa paglalakbay n’yo. Maaaring ito ay sa ibang bansa kung saan magiging masaya at makabuluhan ang paglalakbay na ito. Gayundin, maaaring may kaugnayan ito sa isang malaking negosyo na pinaplano n’yo at magiging matagumpay ang negosyong naturan.
Ngayon pa lang, tanggapin mo ang aking pagbati. Huwag kang makalimot magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang dumarating at kung maaari, ibahagi mo ito sa iyong kapwa at mag-donate na rin sa simbahan bilang pasasalamat sa magandang kapalaran inilalaan sa iyo ng Dakilang Kataas-taasan. Iwasan mo ang pagiging maramot, sa halip, magbigay nang bukal sa loob at walang hinihintay na kapalit. Makikita mo na doble ang balik sa iyo kapag nagbahagi ka sa kapwa mo nang hindi umaasa sa kapalit nito.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments