Eala kampeon sa W25 Roehampton, Gilas Pilipinas kontra Ivory Coast
- BULGAR
- Aug 15, 2023
- 2 min read
ni MC @Sports | August 15, 2023

Nasungkit ni Alex Eala ng Pilipinas ang ikalawang kampeonato ng season at ikaapat na overall sa ITF Women's World Tennis Tour sa W25 Roehampton sa Great Britain noong Linggo.
Ginapi ng 18-year-old sixth seed si WTA World No. 166 at No. 2 seed Arina Rodionova ng Australia, 6-2, 6-3, sa National Tennis Centre. Tagumpay na idinagdag ng 250th-ranked Eala sa listahan ng kanyang professional titles ang korona mula sa 2023 W25 Yecla sa Spain, 2022 W25 Chiang Rai sa Thailand, at 2021 W15 Manacor sa Spanish island ng Mallorca.
Patungo sa kanyang final, tinalo ni Eala ang tatlong Australian bago winalis si 3rd seed at 208th-ranked Arianne Hartono sa semifinals, 7-6(4), 2-6, 6-1. Sinipa ng Rafa Nadal Academy player ang 201st-ranked top seed Priscilla Hon sa quarterfinals (6-2, 6-4), World No. 289 Destanee Aiava sa second round (3-6, 7-5, 6-3), at World No. 781 qualifier Gabriella Da Silva Fick sa first round (6-3, 6-4).
Samantala, makakasagupa ng national men’s basketball team na kilala rin bilang Gilas Pilipinas ang koponan ng Ivory Coast sa isang tune-up game ngayong darating na Biyernes-Agosto 18 sampung araw bago magsimula ang International Basketball Federation (FIBA) 2023 World Cup sa Agosto 25. Idaraos ang tune up match ng world no.42 Ivory Coast at ng Gilas sa Philsports Arena sa Pasig City ganap na alas-8 ng gabi.

Isa sa 16 na African team na nag-qualified sa World Cup, kabilang ang Ivory Coast sa Group G kung saan kasama nila at makakatunggali sa group stage ang World no.1 Spain, no.13 Brazil at no.22 Iran.
Pangungunahan ang Ivory Coast ng kanilang playmaker na si Sire Dieng nagtala ng average na 10.1 puntos at 2.7 assists sa African World Cup qualifiers. Mayroon ding tatlong manlalaro ang koponan na may taas na 6-foot-8.








Comments