EAC Vanguard, 'di pinaporma ang PUP Radicals sa NCRAA
- BULGAR
- Mar 31, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 31, 2023

Nagpasikat ang bisitang Emilio Aguinaldo College-Cavite Vanguard at pinahiya ang Polytechnic University of the Philippines Radicals, 88-79, sa tampok na laro sa 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament Miyerkules sa PUP Gym sa Santa Mesa, Maynila.
Sa naunang laro, ginulat ng Asian Institute of Maritime Studies Blue Sharks ang karibal na Philippine Merchant Marine School Mariners, 70-62.
Dominado ng Vanguard ang laro at minsan lang tumikim ng lamang ang Radicals, 54-53, matapos ang magkasunod na buslo nina TJ Apinan at Mark Nobleza sa third quarter.
Mula roon ay nagtrabaho ng todo ang EAC at umabot ng 79-63 ang agwat sa 4th quarter sa likod nina Aries Rodrin at Voshon Calipco.
Nagtapos si Rodrin na may 18 puntos at 13 rebound habang 17 puntos si JR Ilustrisimo.
Napantayan ng EAC ang kanilang dalawang panalo sa huling nakumpletong NCRAA noong 2019.
Mula sa huling tabla na 59-59 at 4:48 sa orasan ay bumanat ng 10 sunod-sunod na puntos ang AIMS upang lumayo, 69-59, at hindi na nakaporma ang PMMS sa nalalabing 26 segundo. Nanguna sa Blue Sharks sina Jericho Peralta na may 16 at Vince Miranda na may 10 puntos para sa kartadang 2-3 habang lumubog ang Mariners sa 4-2.
Lalong ibinaon ng defending champion Centro Escolar University Scorpions ang wala pang panalo na Lyceum of the Philippines University-Laguna Pirates sa ilalim ng liga, 70-54. Kumuha ng lakas ang CEU sa dating Pirate na si Jerome Santos na naglabas ng 20 puntos, 7 rebound at 4 na assist laban sa kanyang dating paaralan.
コメント