E-wallet sa Bilibid, tiyaking ‘di nagagamit sa ilegal
- BULGAR
- Aug 10, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 10, 2023
Nasa tinatayang P300,000 per day ang kabuuang halaga ng money remittance transactions sa New Bilibid Prison.
Sa ginanap na pulong ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Bilibid, ayon sa isang negosyante na humahawak ng transakyon ng GCash, ang dami ng mga pagpapadala ng pera sa national penitentiary ay maaaring mag-iba sa pang-araw-araw na batayan, na kadalasang bumababa tuwing weekends.
Bilang tugon ni Molly Avejar kay Sen. Francis Tolentino na siyang chair ng komite, wala itong definite na halaga. Merong umaabot ng P300,000 sa isang araw at kung minsan naman aniya, ay nasa P50,000 hanggang P70,000.
Naniningil siya ng 3 porsyento mula sa kabuuang remittance habang kumikita siya ng hanggang P9,000 sa isang araw.
Paliwanag pa niya, na ang pera ay nagmumula sa mga pamilya ng mga persons deprived of liberty, kung saan tatawag sa kanya sa kahit anumang 5 mobile number niya.
Pagkatapos nito, ibibigay niya ang mga halaga sa isang pinagkakatiwalaang inmate, na siyang bahala naman sa pamamahagi nito sa mga PDL.
Isang dating inmate si Avejar sa Correctional Institution for Women (CIW), kung saan naisip ang negosyo dahil sa karanasan sa CIW, isang facility sa Bureau of Corrections sa Mandaluyong.
Malaking tulong sa mga inmate na makagamit ng e-wallet dahil mararamdaman nila na hindi sila pinabayaan na ng kanilang mga pamilya maging ng ating pamahalaan.
Mas matutugunan na rin ang kanilang pangangailangan kahit pa nasa loob sila ng kulungan. Makabubuti ito sa mga preso at malaking pakinabang sa kanila.
Paalala lang sa kinauukulan, sana ay hindi ito magamit sa ilegal na transaksyon o anumang masamang gawain na lalong magpapalugmok sa kanila.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments