ni Rey Joble @Sports News | Sep. 21, 2024
Hindi na kinailangan ng Magnolia ang tulong ng import na si Shabazz Muhammad sa magaang na pagdispatsa sa NorthPort, 110-94, at mapatibay ang kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup nitong Biyernes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Eksplosibong laro ang ipinamalas ni Aris Dionisio na nagtala ng 30 puntos, kabilang rito ang mainit na shooting mula sa three-point region para pangunahan ang opensiba ng Hotshots. Ang siyam na three-point shots ang pinakamaraming naitala ni Dionisio sa halos apat na taong paglalaro sa liga.
“Every game niri-remind kami ni Coach na magkaroon ng strong start,” ang sabi ni Dionisio. “Lahat kasi ng mga laro namin, slow start kami kaya nahihirapan kaking makacrecover sa dulo,” “Itinanim ko lang sa isip ko na kailangang mag-go hard ako.
Kailangan naming manalo para makapasok. Gusto ko rin magpasalamat sa mga teammates ko. Every time na duna-drive sila, ako yung hinahanap.
Mabuti pumapasok naman yung mga tira.” Double-double game naman ang naiposte ni Zav Lucero na tumapos ng 16 na puntos katuwang ang 12 rebounds habang limang miyembro pa ng Hotshots ang nagtala ng siyam na puntos o higit pa.
May 13 puntos na naiambag si Joseph Eriobu mula sa bangko ng Magnolia at may 12 puntis at siyam na rebounds naman ang beteranong si Calvin Abueva. Si Ian Sangalang ay nagdagdag ng 10 puntos at tig-siyam naman sina Paul Lee at Rome dela Rosa.
Nagdesisyon si Magnolia coach Chito Victolero na hiwag na palaruin si Muhammad dahil wala rin namang reinforcement ang Batang Pier, na tuluyang iniwan ngayong kumperensya ni Venky Jois. Napunit ang sakong ni Jois sa kanilang nakaraang laro, dahilan para maglaro ang Batang Pier ng All-Filipino.
Comments