top of page
Search
  • BULGAR

Durant, pinagmulta dahil 'nambastos' sa interview

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 16, 2022





Bumawi ng malaki ang Golden State Warriors at walang iba kundi ang numero unong koponan ang Eastern Conference Chicago Bulls ang ipinatumba, 138-96, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon mula sa United Center. Nanatiling numero uno sa buong liga ang Phoenix Suns sa bisa ng madaling 112-94 sa Indiana Pacers.


Mahigpitan ang palitan ng dalawang panig hanggang napilay sa tuhod at hindi na bumalik sa laro si All-Star Zach LaVine na 3:32 pa lang ang lumilipas at lamang ang Warriors, 14-10. Sa pagkawala ni LaVine, kinuha ng Golden State ang pagkakataon at hindi napigilan ang kanilang arangkada at ilang beses umabot ng 42 ang lamang sa fourth quarter.


Nanguna sa Warriors si rookie Jonathan Kuminga na may 25 puntos bilang reserba at sinundan nina Jordan Poole na may 22 at Andrew Wiggins na may 21 puntos. Hindi na pinabihis si Klay Thompson bilang pag-iingat dahil kagagaling lang niya sa laro noong nakaraang gabi kung saan natalo ang Golden State sa World Champion Milwaukee Bucks, 99-118.


Sa gitna ng mabigat na kalendaryo, hindi pa rin nakatakas si Kevin Durant ng Brooklyn Nets sa pag-disiplina ng NBA. Pinatawan ang All-Star ng multang $15,000 (P770,000) dahil sa bastos na pananalita habang kinakapanayam ng mga mamahayag matapos matalo ang Nets sa Portland Trail Blazers, 108-114, noong Martes


Isa at kalahating laro pa rin ang agwat ng Suns at humahabol na Warriors. Isa lang ang shoot ni Chris Paul sa unang tatlong quarter subalit nagising siya para sa 10 puntos sa fourth quarter upang pangunahan ang huling paghataw ng Phoenix at magtapos na may 12 puntos.


Hindi napigilan ang matalas na shooting ni Devin Booker na bumuhos ng 35 puntos at double-double si Deandre Ayton na 27 puntos at 12 rebound. Umakyat sa 32-9 ang Suns kumpara sa Warriors na 31-11.


Tinapos ng Dallas Mavericks ang maliligayang araw ng Memphis Grizzlies, 112-85, sabay putol ng kanilang 11 sunod-sunod na panalo at unang talo ngayong 2022. Triple double si Luka Doncic na 27 puntos, 12 rebound at 10 assist sa matinding tapatan nila ni Ja Morant ng Memphis na nagtapos na may 19 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page