top of page

Dungaw at Pahalik: Mahalagang debosyon sa Poong Hesus Nazareno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 hours ago
  • 2 min read

ni Vin Vaness Bello (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026



Black Nazarene 2026


Isa sa pinakamahahalagang bahagi ng taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila ay ang mga makabuluhang ritwal na "Dungaw" at "Pahalik". Ito ay nagpapakita ng malalim na debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.


Ang “Dungaw”, kilala rin bilang “La Mirata”, ay ang sandali kung saan humihinto ang andas (carriage) ng Poong Hesus Nazareno sa harap ng Minor Basilica at Parish of San Sebastian upang matingnan at magbigay-galang sa imahen ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian, ang tinaguriang “Reyna ng Quiapo.”


Ito ay sinasabing “religious courtesy” sa pagitan ng patron ng Quiapo at San Sebastian na simbolo ng pagmamahal at panalangin sa paglalakbay ng Itim na Nazareno sa itinakdang ruta ng prusisyon o Traslacion.


Ayon sa dating kura paroko ng Basilica Minor de San Sebastian, ang imahen ni Mother Mary ay ilalabas sa pagtatapos ng prusisyon, hindi bilang biblical reenactment, kundi pagbati sa imahen ng Poong Hesus Nazareno.


Bahagi rin ito ng Traslacion mula pa noong 19th century at muling ibinalik bilang opisyal na tradisyon noong 2014 matapos itong mahinto ng mga nakaraang dekada.


Sa kabilang banda, ang “Pahalik” ay matagal nang debosyon kung saan nagpupunta ang mga deboto sa Quirino Grandstand at Quiapo Church upang hawakan, halikan o punasan ng kanilang panyo ang imahen ng Black Nazarene bago at pagkatapos ng prusisyon nito.


Para sa maraming deboto, ang “Pahalik” ay pagkakataon upang ipahayag ang kanilang panata, humingi ng himala, at magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.


Tunay na napakahalaga ng dalawang ritwal na ito, na hindi lamang bahagi ng panata kundi malalim na representasyon ng pananampalataya, pasasalamat, at pag-asa ng libu-libong deboto na taunang dumadalo para sa Traslacion.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page