top of page
Search

ni John Mark Jumao-as (OJT) @Lifestyle | January 9, 2026



Black Nazarene 2026


Sa puso ng Maynila matatagpuan ang Quiapo, isang sentro ng kalakalan, kultura, at tagpuan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ngunit higit sa pagiging mataong distrito, ang Quiapo ay kilala bilang tahanan ng Nuestro Padre Hesus Nazareno, ang banal na imahe ni Hesus na may pasan na krus na minamahal at dinarayo ng milyun-milyong deboto.


Noong 1606, dumating sa Pilipinas ang mga Augustinian Recollect dala ang imahen ng Itim na Nazareno mula sa Mexico. Sa simula, ito ay inilagay sa Recollect Church of St. John the Baptist sa Bagumbayan na ngayo’y Luneta, at kalaunan ay inilipat sa San Nicolas de Tolentino Church sa Intramuros, Manila. Sa paglipas ng panahon, mabilis na lumaganap ang debosyon ng mga Pilipinong Katoliko sa Nazareno.


Dahil sa dumaraming deboto, iniutos ni Archbishop Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina na ilipat sa Quiapo Church ang imahe ng Itim na Nazareno sa pagitan ng taong 1767 hanggang 1787, para mas madaling mapuntahan ng mga mamamayan, lalo na ng mga deboto.


Kaya naman naging banal na tahanan na ng Black Nazarene ang naturang simbahan. At sa paglipas ng taon noong 1780, ipinagkaloob ni Pope Pius VII ang Apostolic Blessing sa mga namamanata sa imahen ng Nazareno. Isang bahagi ng debosyon ang pagdaraos ng prusisyon sa imahe kung saan naghikayat na lumahok sa mga tao mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.


Noong Enero 29, 2024, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng parokya, nagtipon ang mga obispo ng Pilipinas sa Quiapo Church para sa opisyal na pagkilala rito bilang “National Shrine of Jesus Nazareno”.


Naging matagumpay ito at kalaunan ay ginawa ang Quiapo Church na sentro ng isa sa pinakamalaking religious devotion sa mundo — ang Mahal na Poong Itim na Nazareno.

 
 

ni Vin Vaness Bello (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026



Black Nazarene 2026


Isa sa pinakamahahalagang bahagi ng taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila ay ang mga makabuluhang ritwal na "Dungaw" at "Pahalik". Ito ay nagpapakita ng malalim na debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.


Ang “Dungaw”, kilala rin bilang “La Mirata”, ay ang sandali kung saan humihinto ang andas (carriage) ng Poong Hesus Nazareno sa harap ng Minor Basilica at Parish of San Sebastian upang matingnan at magbigay-galang sa imahen ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian, ang tinaguriang “Reyna ng Quiapo.”


Ito ay sinasabing “religious courtesy” sa pagitan ng patron ng Quiapo at San Sebastian na simbolo ng pagmamahal at panalangin sa paglalakbay ng Itim na Nazareno sa itinakdang ruta ng prusisyon o Traslacion.


Ayon sa dating kura paroko ng Basilica Minor de San Sebastian, ang imahen ni Mother Mary ay ilalabas sa pagtatapos ng prusisyon, hindi bilang biblical reenactment, kundi pagbati sa imahen ng Poong Hesus Nazareno.


Bahagi rin ito ng Traslacion mula pa noong 19th century at muling ibinalik bilang opisyal na tradisyon noong 2014 matapos itong mahinto ng mga nakaraang dekada.


Sa kabilang banda, ang “Pahalik” ay matagal nang debosyon kung saan nagpupunta ang mga deboto sa Quirino Grandstand at Quiapo Church upang hawakan, halikan o punasan ng kanilang panyo ang imahen ng Black Nazarene bago at pagkatapos ng prusisyon nito.


Para sa maraming deboto, ang “Pahalik” ay pagkakataon upang ipahayag ang kanilang panata, humingi ng himala, at magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.


Tunay na napakahalaga ng dalawang ritwal na ito, na hindi lamang bahagi ng panata kundi malalim na representasyon ng pananampalataya, pasasalamat, at pag-asa ng libu-libong deboto na taunang dumadalo para sa Traslacion.

 
 

ni Kimberly Sy (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026



Black Nazarene 2026


Sa loob ng mahabang panahon, bukambibig ang kuwento na ang imahe ng Nazareno raw ay dating maputi at naging itim kalaunan dahil sa naganap na sunog sa isang galyon mula sa Mexico.


Pero ayon sa kasaysayan, may mas malalim itong katotohanan.


Ayon kay Msgr. Sabino A. Vengco, Jr., isang eksperto mula sa Loyola School of Theology, ang naturang imahe ay hindi kailanman naging maputi.


Ipinaliwanag niyang ang rebulto ay nililok mula sa kahoy na mesquite – isang uri ng matigas at sadyang may itim na kulay.


Pinaniniwalaan ng mga theorist na sadyang ipinakilala ng mga misyonaryo mula sa Espanya ang ‘itim’ na Nazareno dahil ang kulay umano nito’y kapareha ng mga balat ng katutubo sa Pilipinas at Mexico.


Sa pamamagitan nito, mas madali raw mararamdaman ng mga Pinoy na ang Diyos ay kaisa at kabahagi ng kanilang pagkatao.


Sa Pilipinas, ang Nazareno ay hindi lamang isang estatwa o imahe, ito ay simbolo ng katatagan ng lahing Pilipino.


Maraming beses nang napatunayan ang "himala" ng Poong Itim Nazareno dahil sa pananatili nitong buo sa kabila ng mga kalamidad kagaya ng sumiklab na sunog noong 1791 at 1929 sa Quiapo, lindol noong 1645 at 1863 at higit sa lahat, ang matinding pambobomba noong 1945 (Ikalawang Digmaang Pandaigdig).


Tuwing ika-9 ng Enero, ang mga kalsada sa Maynila ay tila dagat ng mga debotong naka-pula at dilaw para sa pagdiriwang ng Traslacion.


Ang pistang ito ay nababalot ng mga sagradong ritwal ng pagpapakumbaba at pananatili kagaya ng “Pahalik” o ang matiyagang pagpila ng libu-libong tao sa loob ng ilang oras upang mahawakan o mahagkan ang paanan ng Poong Nazareno.


Bukod dito, tampok din ang “Dungaw” kung saan matutunghayan ang pagtatagpo ng imahen ng Nazareno at ng Nuestra Señora del Carmen sa tapat ng Simbahan ng San Sebastian.


Para sa mga deboto, ang bawat patak ng pawis, pagod at hirap na kasama sa pagpuprusisyon ng nasabing imahe ay bahagi ng kanilang panata.


Naniniwala sila na sa isang dampi lamang ng panyo o haplos sa Poong Itim na Nazareno, may naghihintay na himala — kagalingan para sa may sakit at pag-asa para sa mga naliligaw ng landas.


At ang malalim na pananampalatayang ito ang nagbibigay ng katatagan upang mabuhay anuman ang hirap na nararanasan.

 
 
RECOMMENDED
Kim Domingo - Instagram.jpg
bottom of page