top of page
Search

by Info @Editorial | January 13, 2026



Editoryal, Editorial


Bagama't nakapagtala sa kasaysayan bilang pinakamaraming debotong lumahok na umabot sa higit siyam na milyon, hindi maikakaila na ang huling Traslacion ay nabahiran ng kaguluhan at pagbubuwis-buhay.


Ito ay isang masakit na paalala na ang matinding debosyon, kapag hindi nasabayan ng sapat na paghahanda at disiplina, ay maaaring humantong sa trahedya. 


Sa gitna ng pananampalatayang nagbubuklod sa milyun-milyon, lumitaw ang pangangailangang pagnilayan kung paano mapangangalagaan ang buhay at kaligtasan ng bawat deboto. 


Ang mga pagbabagong tinitingnan ngayon ng Quiapo Church para sa Traslacion 2027 ay hindi dapat ituring na paglayo sa tradisyon, kundi paghahanda at pag-aangkop—isang hakbang tungo sa mas ligtas, mas maayos, at mas makahulugang pagdiriwang.


Kung isasagawa nang may puso at may malay, magiging higit na makasaysayang halimbawa kung paano ang isang sinaunang tradisyon ay maaaring umangkop sa modernong panahon nang may respeto sa kultura at pananampalataya.


 
 

ni John Mark Jumao-as (OJT) @Lifestyle | January 9, 2026



Black Nazarene 2026


Sa puso ng Maynila matatagpuan ang Quiapo, isang sentro ng kalakalan, kultura, at tagpuan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ngunit higit sa pagiging mataong distrito, ang Quiapo ay kilala bilang tahanan ng Nuestro Padre Hesus Nazareno, ang banal na imahe ni Hesus na may pasan na krus na minamahal at dinarayo ng milyun-milyong deboto.


Noong 1606, dumating sa Pilipinas ang mga Augustinian Recollect dala ang imahen ng Itim na Nazareno mula sa Mexico. Sa simula, ito ay inilagay sa Recollect Church of St. John the Baptist sa Bagumbayan na ngayo’y Luneta, at kalaunan ay inilipat sa San Nicolas de Tolentino Church sa Intramuros, Manila. Sa paglipas ng panahon, mabilis na lumaganap ang debosyon ng mga Pilipinong Katoliko sa Nazareno.


Dahil sa dumaraming deboto, iniutos ni Archbishop Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina na ilipat sa Quiapo Church ang imahe ng Itim na Nazareno sa pagitan ng taong 1767 hanggang 1787, para mas madaling mapuntahan ng mga mamamayan, lalo na ng mga deboto.


Kaya naman naging banal na tahanan na ng Black Nazarene ang naturang simbahan. At sa paglipas ng taon noong 1780, ipinagkaloob ni Pope Pius VII ang Apostolic Blessing sa mga namamanata sa imahen ng Nazareno. Isang bahagi ng debosyon ang pagdaraos ng prusisyon sa imahe kung saan naghikayat na lumahok sa mga tao mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.


Noong Enero 29, 2024, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng parokya, nagtipon ang mga obispo ng Pilipinas sa Quiapo Church para sa opisyal na pagkilala rito bilang “National Shrine of Jesus Nazareno”.


Naging matagumpay ito at kalaunan ay ginawa ang Quiapo Church na sentro ng isa sa pinakamalaking religious devotion sa mundo — ang Mahal na Poong Itim na Nazareno.

 
 

ni Vin Vaness Bello (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026



Black Nazarene 2026


Isa sa pinakamahahalagang bahagi ng taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila ay ang mga makabuluhang ritwal na "Dungaw" at "Pahalik". Ito ay nagpapakita ng malalim na debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.


Ang “Dungaw”, kilala rin bilang “La Mirata”, ay ang sandali kung saan humihinto ang andas (carriage) ng Poong Hesus Nazareno sa harap ng Minor Basilica at Parish of San Sebastian upang matingnan at magbigay-galang sa imahen ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian, ang tinaguriang “Reyna ng Quiapo.”


Ito ay sinasabing “religious courtesy” sa pagitan ng patron ng Quiapo at San Sebastian na simbolo ng pagmamahal at panalangin sa paglalakbay ng Itim na Nazareno sa itinakdang ruta ng prusisyon o Traslacion.


Ayon sa dating kura paroko ng Basilica Minor de San Sebastian, ang imahen ni Mother Mary ay ilalabas sa pagtatapos ng prusisyon, hindi bilang biblical reenactment, kundi pagbati sa imahen ng Poong Hesus Nazareno.


Bahagi rin ito ng Traslacion mula pa noong 19th century at muling ibinalik bilang opisyal na tradisyon noong 2014 matapos itong mahinto ng mga nakaraang dekada.


Sa kabilang banda, ang “Pahalik” ay matagal nang debosyon kung saan nagpupunta ang mga deboto sa Quirino Grandstand at Quiapo Church upang hawakan, halikan o punasan ng kanilang panyo ang imahen ng Black Nazarene bago at pagkatapos ng prusisyon nito.


Para sa maraming deboto, ang “Pahalik” ay pagkakataon upang ipahayag ang kanilang panata, humingi ng himala, at magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.


Tunay na napakahalaga ng dalawang ritwal na ito, na hindi lamang bahagi ng panata kundi malalim na representasyon ng pananampalataya, pasasalamat, at pag-asa ng libu-libong deboto na taunang dumadalo para sa Traslacion.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page