top of page
Gary V. - IG.jpg

Dumiretso sa private room – Dr. Sibayan... Romualdez, 'di emergency case

Writer: BULGAR
BULGAR
29 minutes ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | September 11, 2026



Martin Romualdez - PNP-CIDG

Photo: Martin Romualdez - PNP-CIDG



Inilahad ng doktor ng Cardinal Santos Medical Center na hindi pangkaraniwan ang pagkaka-confine roon kay Leyte Rep. Martin Romualdez.


Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division nitong Huwebes, sinabi ni Dr. Kurt Allen Sibayan na siya ang admitting physician nang dumating si Romualdez sa ospital alas-4 ng hapon noong Setyembre 7, ngunit hindi siya pinayagang magsagawa ng medical examination.


“We were advised that we were not allowed inside the patient’s (Romualdez) room,” ani Sibayan.


Ayon sa kanya, ipinaabot sa kanya ng attending physicians na sina Dr. Rody Sy at Dr. Rosalio Torres ang naturang utos. Hindi rin dumaan si Romualdez sa emergency room at dumiretso sa isang hospital room.


Sinabi ni Sibayan na hindi emergency case ang kondisyon ni Romualdez, bagama’t mataas ang panganib nitong magkaroon ng heart attack. 


Nauna rin umanong nakaranas ng chest pain ang dating House Speaker.


Sinabi naman ni Torres na dapat manatili sa ospital si Romualdez dahil sa unstable angina at underlying coronary disease, na aniya ay maaaring mauwi sa heart attack.

“In case of emergency, he would have an hour [to be treated]. We believe he may not be afforded that one hour [if he is transferred to another facility],” ani Torres. 


Samantala, ayon naman kay Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Third Division ng Sandiganbayan, mananatili ang dating Speaker sa nasabing ospital hanggang sa maglabas ng panibagong kautusan ang anti-graft court.


Nilinaw naman ni Pulma na nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Romualdez dahil naglabas na ang Sandiganbayan Third Division ng commitment order na ikulong ang mambabatas sa New Quezon City Jail sa Payatas, na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng BJMP.


Gayunman, sinabi ni Pulma na maaari pa ring tumulong ang pulisya sa BJMP pagdating sa seguridad ni Romualdez.


Itinakda ng Sandiganbayan Third Division ngayong araw, Setyembre 11, ang ikalawang araw ng pagdinig sa mosyon ni Romualdez na manatili sa ospital habang nakadetine.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page