Dudang iba ang ama ng ipinagbubuntis ng GF pero magiging misis

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| January 16, 2021

KATANUNGAN
May mabigat akong problema ngayon dahil nabuntis ang aking girlfriend, gayung nag-withdrawal naman kami noong huli kaming nagtalik. Medyo may pagka-flirt ang girlfriend ko dahil bukod sa akin, nag-e-entertain pa siya ng ibang manliligaw, kaya iniisip ko na baka hindi sa akin ang baby na dala niya. Pero ‘pag binibilang ko naman, mula nang araw na nagtalik kami, eksakto ‘yung pagbubuntis niya.
Maestro, sa palagay mo, ako nga ba ang ama ng nasabing baby at kami na ang magkakatuluyan kahit nagdadalawang-isip pa ako na siya na ang mapapangasawa ko?
Sa totoo lang kasi, Maestro, hindi naman siya ang tipo ng babae na gusto kong mapangasawa at gusto kong makasama habambuhay.
KASAGUTAN
Dapat hindi ka na nakipagtalik sa girlfriend mo kung hindi ka pa pala desidido na siya na ang gusto mong pakasalan. Pero wala na tayong magagawa dahil nand’yan na ‘yan, kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay ang paghandaan ang pagiging ama mo sa malapit na hinaharap at siyempre, nangangahulugan din ito na magkakaroon ka na ng sariling pmilya.
Samantala, ganito naman ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad kung saan ang kasalukuyan mong girlfriend ang iyong makakatuluyan. Ito ang nais ihayag ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na tulad ng nabanggit na, dahil iisa lang ang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang girlfriend mo na ngang ito ang nakatakda mong makatuluyan at makasama sa pagbuo ng isang simple pero masayang pamilya habambuhay.
Ang pag-aanalisang kahit hindi mo masyadong gusto ang girlfriend mo ay magiging masaya rin naman ang inyong relasyon ay madali namang kinumpirma ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h) na dumila at ganap na tumuntong sa Mount of Jupiter, (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing sa iyong pag-aasawa, may pangako pa rin naman ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
DAPAT GAWIN
Albert, huwag mo nang paghinalaan ang girlfriend mo dahil anuman ng maging resulta ng pagdadalawang-isip mo sa kasalukuyan, sa bandang huli ay wala ka ring magagawa sa itinakda ng kapalaran. Ang sinasabi mong hindi mo siya masyadong mahal, magiging mahal na mahal mo na rin siya sa sandaling isinilang na ang panganay n’yong anak, at tunay ngang ayon sa iyong mga datos, walang duda na kayo ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments