Dudang hiwalay sa misis ang nakikipagbalikang ex
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 24, 2022

KATANUNGAN
May boyfriend ako noon at tumagal kami nang dalawang taon, kaso nakapag-asawa siya agad kaya hindi rin kami nagkabalikan. Sa ngayon, natutuwa ako na parang nalulungkot. Natutuwa ako dahil nakikipagbalikan siya kasi hiwalay na raw sila ng misis niya at hindi naman daw totoo ang kanilang kasal. At sa huli naming pagkikita, may nangyari sa amin.
Nalulungkot ako dahil baka mamaya ay hindi totoo na hiwalay na sila ng kanyang misis at baka maaaring buo pa naman ang kanilang pamilya. Nakakatakot kung sakaling nagsasama pa sila ng misis niya at pagkatapos ay gagawin niya lang akong kabit o kerida.
Ano ang masasabi n’yo at ano ba ang dapat kong gawin? Nakatakda kaming magkita at mag-usap ulit. Magulo ang isip ko, minsan ay gusto ko na siyang tanggapin muli, pero minsan ay natatakot naman ako na hindi ko maintindihan. Kaya sana ay mapayuhan at magabayan n’yo ako kung ano ang aking dapat gawin.
KASAGUTAN
Kapansin-pansing halos dalawa ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t sa biglang tingin, akala mo ay dalawa ang nasabing guhit ng pag-aasawa, pero kapag sinuri mong mabuti, dahil magkasinghaba at magkasingkapal at masyadong malapit ang pagitan ng nasabing mga guhit (arrow a. at b.), ito ang tinatawag na Marriage Line na muling nagdugtong at pag-ibig na matagal ding panahong nangulila, naglaho at nawala.
Ngunit ang kahanga-hanga, muling nagtagpo ng landas at habambuhay nang nagmahalan. Ibig sabihin, malaki ang tsansa na ang dating pag-iibigan n’yo ng boyfriend mo ay siya muling magdudugtong at mananaig sa kasalukuyang panahon.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Kim, mas mainam kung hindi ka basta-basta maniniwala sa ex-boyfriend mo na hiwalay na sila ng kanyang misis. Sa halip, ang mas mainam na gawin mo ay mag-imbestiga upang matiyak na hiwalay na nga sila.
Sa ganyang paraan, kapag natuklasan mong hiwalay na sila ng misis niya, magkakaroon din kayo ng lisensyang moral upang muling magmahalan at pagdugtungin ang nausyami n’yong pag-iibigan upang makalikha ng bago at mas maligayang pamilya ngayon.




Comments