DTI, bantay-presyo pero ‘di alam ang presyo ng kamote at mais, buwisit!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 31, 2023
MGA LOYALIST VLOGGERS, MATAAS ANG STANDARD SA BASKETBALL COACH, PERO SA PRESIDENTE HINDI -- Karamihan sa mga vloggers na nangampanya sa kandidatura ni Pres. Bongbong Marcos last election, ay bina-bash ngayon si Samahang Basketbolista ng Pilipinas (SBP) Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan (MVP) na kesyo mahina raw ang standard nito sa pagpili ng coach (Chot Reyes) ng Gilas Pilipinas kaya walang naipanalo ang team Philippines sa FIBA Basketball World Cup 2023.
Ibang klase rin itong mga loyalist vloggers sa Philippines, gusto nila mataas ang standard ng magiging coach ng Gilas Pilipinas, pero sa presidente na magpapatakbo ng bansa, hindi, boom!
◘◘◘
DAPAT UMAKSYON NA SI SEN. KOKO PIMENTEL BAGO PA MAWALDAS AT MAKURAKOT ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Ibinida ni Sec. Benjamin Diokno ng Dept. of Finance (DOF) na tapos na raw nilang gawin ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF), at kabilang sa nakasaad sa IRR na inoobliga ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na magbigay ng P125 billion bilang panimulang puhunan ng MIF.
Sa isyung ito ay dapat kumilos na si Senate Minority Leader, Sen. Koko Pimentel, tuparin na niya ang pramis niyang kukuwestyunin niya sa Supreme Court (SC) ang legalidad ng MIF bago maging huli ang lahat, bago pa man mawaldas at makurakot ang kaban ng bayan na ilalagak sa MIF, period!
◘◘◘
MANDATO NG DTI, BANTAYAN ANG PRESYO, PERO ANG DTI SEC. HINDI ALAM ANG PRESYO NG KAMOTE AT MAIS -- Inirekomenda ni Dept. of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual sa mamamayan na gawing alternatibo ang pagkain ng kamote at mais kaysa kanin ngayong panahong mahal ang presyo ng bigas. Pero sa pagdinig sa Kongreso, nang tanungin siya ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro kung magkano ang presyo ng per kilo ng kamote at mais, ang tugon ng DTI secretary ay hindi raw niya alam.
Onli in da ‘Pinas lang ‘yan, na ang DTI sec. na ang mandato ay bantayan ang presyo ng mga bilihin sa bansa, ay hindi alam ang presyo ng kamote at mais sa mga pamilihan, boom!
◘◘◘
‘PABIDA’ LANG YATA ANG GINAWA NI SPEAKER ROMUALDEZ SA RAID SA 3 WAREHOUSE NG BIGAS -- Isang linggo na ang nakakalipas mula nang pamunuan ni Speaker Martin Romualdez, kasama ang kapulisan at Customs, ang “pagsalakay” sa tatlong warehouse ng bigas sa Bulacan na may nakaimbak na daan-daang libong sako ng bigas, ay hindi na nabalitaan ng publiko kung sinampahan ng kasong may kinalaman sa hoarding ang may-ari ng mga warehouse na ito.
Dapat pakasuhan at ipakulong ni Speaker Romualdez ang rice hoarder na ito, kasi kung wala siyang gagawing aksyon laban dito, ay lalabas na “pabida” lang sa publiko ang ginawa niyang pamumuno sa “raid” na ito, period!





Comments