top of page
Gary V. - IG.jpg

Drug-cleared barangay, mas dumami pa sana

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 5, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | January 5, 2024


Mahigit sa 27,000 barangay ang matatawag nang drug-free o cleared na sa illegal drugs, batay sa report ng Philippine National Police (PNP).


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), umabot na sa 27,968 drug-cleared barangay ang naitala, habang nasa P10.41 bilyong halaga ng narcotics ang nasamsam ng mga otoridad mula Enero hanggang Disyembre 2023.


Gayundin, nasa 23 probinsya, 447 munisipalidad, at 43 lungsod ang nagtatag ng kani-kanilang community-based drug rehabilitation programs (CBDRPs) upang lalo pang mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga. 


Ito ay higit pa sa 50 probinsya, 1,160 munisipalidad, at 30 lungsod na mayroon nang functional Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) na nagpapatupad ng mga anti-drug priorities sa local level.


Batay din sa report, mayroong 74 na itinayong in-patient treatment at rehabilitation facilities upang tumulong sa pagtugon sa banta ng ilegal na droga.


Matatandaang isinusulong ni Pangulong Bongbong Marcos, ang isang tinatawag na whole-of-nation approach sa pagharap sa drug abuse, kung saan aniya, maaari itong humantong sa malalang sakit o chronic illness at mga social issues kung hindi maagapan.


Dapat aniyang nakabilang sa programa ang prevention, treatment, rehabilitation, at law enforcement para matiyak ang pagpapatupad ng Philippine Anti-Illegal Drug Strategy.


Nauna na ring sinabi ni P-BBM na tututukan ng kanyang administrasyon ang rehabilitasyon para masugpo ang banta ng droga, na ibang-iba sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Anang Pangulo, kailangan ang pagbuwag sa mga drug syndicate upang matugunan ang problema.


Sinabi pa ng PCO na sa ilalim ng administrasyong Marcos, ang Dangerous Drugs Board ay magpapatuloy sa pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP), na layuning makamit ang 100 percent drug-free o drug-cleared barangay sa taong 2028.


Pinaigting na rin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang mga pagsisikap laban sa mga top-level drug personalities, hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aresto sa mga ito kundi pagpapalakas ng pinansyal na imbestigasyon para ipakalat ang kanilang mga assets. 


Nagiging maganda ang resulta ng programa ng gobyerno sa pagsugpo natin sa ilegal na droga.


Marahil, nakikiisa na rin ang mamamayan kaya naman maraming lugar na ang itinuturing na drug-free barangay. 


Batid ng lahat na sadyang talamak ang illegal drugs sa ating bansa. Dahil dito, maraming buhay na ang nawasak at namatay, mga pamilyang nagdusa, at nagdulot ng magulong komunidad. 


Hiling sana natin sa kinauukulan na madagdagan at dumami pa ang mga barangay na idedeklara nilang malinis na sa droga para maging maayos at tahimik na rin ang pamumuhay ng mamamayan.


Gayundin, dagdagan nila ang mga itinatayong in-patient treatment at rehabilitation facilities para sa mga gustong magbago at dating nalulong sa droga.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page