Droga ipinadala sa JRS Express, buking
- BULGAR
- Feb 6, 2023
- 1 min read
ni Maeng Santos | February 6, 2023

Nasamsam ng pulisya ang ilang paketeng naglalaman ng mataas na uri ng marijuana o “kush” matapos matuklasang kontrabando ang laman nito na ipinadala sa isang sangay ng courier service sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ani Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, kilala na nila ang nagpadala at tatanggap sana ng tatlong paketeng may pitong bungkos ng plastic sachet na naglalaman ng 700 gramo ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P84,000, isang naka-tape na plastic sachet na may lamang 50 gramo ng kush na nagkakahalaga ng P70,000 at 16 na vials ng marijuana oil na may halagang P112,000, at kasalukuyan nang
tinutugis ang mga ito ng kanyang mga tauhan.
Sa imbestigasyon ni P/MSg. Rico Mar William Bonifacio, alas-5:44 ng hapon nang matuklasan ng kawani ng isang sangay ng JRS Express sa Samson Road, Bgy. 72 ang kahina-hinalang paketeng ipinadadala sa kanila ng suspek sa Tagum City sa Davao De Norte kung saan nakalagay ang pangalan ng tatanggap.
Matapos niya itong inspeksiyunin, agad humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng sangay ng nasabing courier kaya rumesponde ang mga tauhan ng Grace Park Police Sub-Station 3 upang tugisin ang nagpadala subalit hindi na nila ito inabutan.
Ibinigay na ng courier sa pangangalaga ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang naturang kontrabando para sa dokumentasyon at disposisyon habang nagsilbi namang testigo sa inventory ang mga kagawad ng barangay at isang lehitimong mamamahayag.
Sinabi ni Col. Lacuesta na makikipag-ugnayan na rin sila sa Regional Police sa Davao Del Norte upang matunton ang lalaking tatanggap ng pakete habang patuloy ang kanilang follow-up operation para sa ikadarakip ng nagpadala nito.
Comments