top of page
Search
  • BULGAR

DOs & DOn’ts ng mga Snake Base sa taon ng kapanganakan

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 31, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, at 2025.


Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong 1965, mas maganda kung ngayong 2023 ay mas magiging maingat ka sa lahat bagay, lalo na sa iyong kalusugan. Pinapaalalahanan ka ng langit na ingatan mo ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo at bawas-bawasan mo na rin ang mga gawaing may pressure, nakaka-stress at maging ang pagpupuyat. Tunay ngang maraming magaganda at positibong kapalaran na darating sa iyo ngayong Year of the Water Rabbit, ngunit maaaring hindi mo ito matamasa nang mabuti o lubusang ma-enjoy kung may problema ka sa kalusugan. Kaya kung maiiwasan mong magkasakit, mas malalasahan mo at mas masasarapan ka sa mga suwerte at magagandang kapalaran na darating sa iyo sa buong 2023.


Para sa mga Ahas na isinilang noong 1977, hindi mo dapat isagawa ang mga marahas at biglaang pagbabago ngayong 2023. Sa halip, panatilihin mo lang ang mga dati nang nasa iyo noong nakaraang 2022. Halimbawa sa negosyo, hindi iminumungkahi na mag-invest ka sa panibagong pagkakakitaan. Sa halip, ituloy mo lang ang dati nang kalakal at lalo mo pang pagbutihin, gayundin, magsipag ka. Sa bawat pagsisipag na gagawin mo ngayong Year of the Water Rabbit, mas maraming biyaya at karagdagang pagpapala ang tuloy-tuloy na darating. Sa pakikipagrelasyon naman, hindi ka dapat makipag-cool off o makipag-break sa iyong karelasyon o kung sinuman ang kasama mo ngayon. Sa halip, ang pinakaepektibong istilo, hindi lang sa love life kundi sa buong buhay mo ay “stay put” ka muna nang sa gayun ay mas maging mabunga at maligaya ang buong 2023 para sa iyo.


Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong 1929 at 1989, ngayong 2023, higit kang papalarin sa mga lugar na dati mo nang pinupuntahan, ganundin sa mga lugar na malapit sa pamilya at mga mahal mo sa buhay, at maging sa mga lugar na malapit sa kalikasan.


Ibig sabihin, hindi inirerekomenda ang paglayo sa iyong sinilangang bayan, ganundin sa mga taong malapit sa puso mo. Dahil tulad ng nasabi na, sa pamilya at mga mahal mo sa buhay manggagaling ang iyong lakas, agimat, gayundin ang iyong magagandang kapalaran sa buong Year of the Water Rabbit.


Para sa Ahas na isinilang noong 1941 at 2001, sobrang positibo ang lahat ng kaganapan ngayong 2023, kung saan higit sa inaasahan mo ang patuloy na darating. Magagara at hindi inaasahang mga pangyayari ang magaganap. Halimbawa, bigla kang kikita o magkakaroon ng malaking halaga ng salapi na hindi mo naman inaasahan. May mga karangalan at biglaang pagkilala na mararanasan, kung saan ang magara pa nito, ‘yung kita mo o ang pera na iyong mahahawakan ay maaaring maubos agad kung ito ay hindi mo titipirin. Ganundin sa pag-ibig, pakikipagkaibigan at pakikipagrelasyon, kumbaga, mas masaya at masarap na ugnayan ang biglang magaganap, pero kung hindi mo naman iingatan ang kakatok o darating na relasyon, ang masasayang karanasang ito ay mawawala at lilipas. Kaya ang pinakamahalagang gawin upang mahusto ang ligaya, tagumpay at ang sarap ay matuto kang magsinop, magmahal at magpahalaga sa lahat ng mga biyaya at pagpapala na tatamasahin mo sa buong 2023.


Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong 1953 at 2013, talino at hindi emosyon ang dapat mong pairalin at paganahin ngayong Year of the Water Rabbit. Maraming kumplikadong bagay ang iyong haharapin, may mga ups and down na magaganap sa iyong buhay, may mga tagumpay at maseselang pagpapasya rin ang iyong mararanasan. Gayunman, ang ligaya at tagumpay ay nakasalalay sa iyong talino at kahusayan mo sa pagpapasya sa buong taong ito ng Water Rabbit. Ibig sabihin, iwasan mong magpasaya nang nakabatay lamang sa emosyon o damdamin. Hindi ka rin dapat magpasya nang mabilisan. Sa ganyang paraan, kapag maingat na maingat ang diskarte mo sa anumang larangan ng buhay ngayong 2023, matitiyak ang mas maunlad, maligaya at matagumpay na kapalaran.

Itutuloy


Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page