top of page

Doncic, Schroder at Shai, abangan sa FIBA q'finals

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 7, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 6, 2023



ree

Mga laro ngayong Miyerkules – MOA

4:40 p.m. Alemanya vs. Latvia

8:30 p.m. Canada vs. Slovenia


Magsusubukan ang dalawang pinakamalaking bituin ng 2023 FIBA World Cup na sina Luka Doncic at Slovenia laban kay Shai Gilgeous-Alexander ng Canada sa ikalawang araw ng quarterfinals sa Mall of Asia Arena.


Parehong kasapi ng 2023 All-NBA First Team sina Doncic ng Dallas Mavericks at SGA ng Oklahoma City Thunder at sila ang magiging batayan kung gaano kalayo aabot ang kanilang bansa sa torneo. Parehong nagtapos na may kartadang 4-1 ang Canada sa Jakarta at Slovenia sa Okinawa bago tumuloy ng Pilipinas.


Natikman ng Slovenia ang kanilang unang pagkabigo sa Alemanya, 71-100, matapos manaig sa unang apat sa Venezuela (100-85), Georgia (88-67), Cabo Verde (92-77) at Australia (91-80). Halimaw ang mga numero ni Doncic na 26.4 puntos, 7.4 rebound at 6.8 assist at tumutulong sina Klemen Prepelic (14.8 PPG, 2.8 APG) at naturalized sentro Mike Tobey (12.0 PPG, 6.4 RPG).


Malinis ang Canada sa Grupo H sa bisa ng mga tagumpay sa Pransiya (95-65), Lebanon (128-73) at Latvia (101-75) bago matalo sa Brazil (65-69) pero bumawi at pinauwi ang defending champion Espanya, 88-85. Hindi magpapahuli si SGA na may 23.8 PPG, 6.6 RPG at 5.2 APG at sinusuportahan ni sentro Kelly Olynyk na may 12.0 PPG, 5.4 RPG at 2.6 APG.


Winalis ng mga Aleman ang kanilang limang laro sa OKinawa, Japan tampok ang mga NBA player Dennis Schroder (19.8 PPG, 6.8 APG), Moritz Wagner (13.0 PPG, 6.0 RPG) at Daniel Theis (11.0 PPG) habang umaasa na babalik na ang isa pang NBA Franz Wagner na napilay ang bukong-bukong sa unang laro laban sa co-host Japan. Isa-isa nilang pinadapa ang Japan (81-63), Australia (85-82), Finland (101-75), Georgia (100-73) at Slovenia (100-71).


Nagkamali ang maraming eksperto sa hindi pagpili mapabilang sa quarterfinals ang Latvia, ang ika-29 bansa sa FIBA Ranking at sinilat ang mga bigating Pransiya (88-86) at Espanya (74-69).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page