top of page
Search
  • BULGAR

DOLE at DOT, joint force sa pagpapalakas ng tourism jobs

ni Ryan Sison - @Boses | August 20, 2022


Unang tinamaan ng epekto ng COVID-19 pandemic ang industriya ng turismo.


Kinailangan kasing higpitan ang pagbiyahe palabas at papasok ng bansa, gayundin ay maraming tourist spot ang nagsara. Ang ending, bagsak ang turismo at maraming nawalan ng trabaho.


Makalipas ang halos dalawang taon, unti-unti nang nakakabalik ang sigla ng turismo, kaya kinakailangan nang madagdagan ang manpower ng mga establisimyento.


Kaugnay nito, upang mapalakas ang employment sa hospitality industry, makikipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Tourism (DOT).


Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, iginiit ng tourism stakeholders na nagkukulang ang manpower sa hotel establishments.


Dagdag pa ng kalihim, kasama sa pakikipag-ugnayan ang pag-oorganisa sa job fairs sa iba’t ibang parte ng bansa, katuwang ang regional offices ng DOLE, DOT at mga lokal na pamahalaan.


Maglalabas umano ng memorandum of understanding (MOU) upang gawing pormal ang kolaborasyon ng dalawang kagawaran para sa job fairs.


Samantala, nakatakdang isagawa ang proyektong ‘Trabaho Turismo Asenso’ sa Setyembre 22 hanggang 24, 2022.


Sa totoo lang, nakakatuwa na bumabalik na ang hanapbuhay at muling sumisigla ang turismo.


Ibig sabihin kasi nito, natutulungan ang ekonomiya, gayundin ang mga manggagawa. ‘Yun nga lang, mas mabilis na makakabangon ang industriya kung may malakas na puwersa ng mga manggagawa.


Marahil, nasa ibang industriya na ang mga dating tourism workers, kaya’t nagkakaroon ng kakapusan sa manpower.


Gayunman, malaking tulong ang mga job fairs para sa sektor ng turismo, gayundin sa mga nais maghanapbuhay.


Hangad natin na mapakinabangan ng mga naghahanap ng oportunidad na makapagtrabaho, gayundin ang turismo ang mga plano ng mga kinauukulan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page