top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

DOH, kumpyansang hindi magkaka-COVID-19 surge ngayong holiday season

  • BULGAR
  • Dec 5, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 5, 2022


Sa gitna ng presensya ng mas immune-evasive omicron sub variants at ang inaasahang pagtitipun-tipon sa kasagsagan ng holiday season, kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na hindi magkakaroon ng bagong surge ng COVID-19 infections sa katapusan ng Disyembre.


Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na mangyayari lamang umano ito kung alam ng publiko kung paano mapoprotektahan ang kanilang sarili laban sa COVID-19.


Paliwanag ng DOH, bagama’t hindi gaanong mararamdaman ang pagtaas ng mga kaso, mahalaga na mapanatiling nasa manageable level ang mga severe at critical infections, gayundin ang bilang ng COVID-19 admission.


Samantala, inaasahan ng ahensya ang arawang kaso na aabot lamang sa 3,100 ngayong Disyembre. Subalit ang kasalukuyang average number ng infections ay halos triple na nasa 1,288 kada araw.


Matatandaang kamakailan lamang nang na-detect sa bansa ang bagong Omicron sublineage na BQ.1 mula sa Cagayan Valley at Central Visayas, na naging dahilan para pumalo pa sa 16 ang kabuuang kaso ng BQ.1 sa bansa.


Ilang taon mula nang manalasa ang COVID-19 pandemic, tila normal na ulit ang mga kaganapan sa bansa.


Tulad ng nakasanayan, balik sa dating gawi tuwing Kapaskuhan. Dagsa ang mamimili sa mall at ibang pamilihan, kaliwa’t kanan ang mga pagtitipon, kaya hindi maiwasan ang pagdidikit-dikit. At dahil inaasahan na ang mga mass gathering, umaasa tayong hindi magpapasaway ang mga dadalo sa party.


Bagama’t kumpyansa ang DOH na hindi magkakaroon ng pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19, hindi naman ito nangangahulugan na magrerelaks na lamang tayo.


Dadalo man sa mga pagtitipon o hindi, pairalin natin ang disiplina sa lahat ng pagkakataon. Batid nating ito ang pinakamabisang sandata laban sa sakit.


Kung lahat ay mag-iingat at may disiplina, maiiwasan ang hawahan at mas ligtas nating sasalubungin ang 2023.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page