DOE at ERC mapang-asar, sobrang mahal na ng presyo ng pagkain, nagtaas pa ng LPG
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 01, 2023
DEPEKTIBO MGA BINILING WASTE EQUIPMENTS NG EMB-DENR, KAYA GOODBYE SA PERA NG BAYAN WORTH P936-M -- Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang Environment Management Bureau (EMB) ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) noong panahon ng Duterte administration sa ginawa nitong pagbabayad ng higit P936 million mula September hanggang December 2021 sa mga depektibong waste management equipments na hindi napapakinabangan ng pamahalaan dahil nga mga sira.
Dahil walang tugon ang EMB sa pagkuwestiyon na ‘yan ng COA, isa lang ang ibig sabihin n’yan, goodbye P936-M pera ng bayan, buset!
◘◘◘
CONFIDENTIAL FUNDS NG MGA TRAPO, DAPAT TANGGALIN HINDI LANG TAPYASAN – Ayon kay Senior Vice Chairperson of the House Committee on Appropriations, Marikina City Rep. Stella Quimbo, 10 ahensya raw ng pamahalaan ang tatapyasan nila ng confidential funds, at ang matatapyas ay idadagdag bilang CIF o confidential and intelligence funds ng mga ahensya na ang mandato ay may kinalaman sa national security.
Pambihira naman, kasi nu’ng una ang sabi ng majority sa Kongreso ay tatanggalin na raw nila, tapos ngayon babawasan na lang.
Kung may pagmamalasakit sa pera ng bayan ang Kongreso, dapat hindi tapyas o pagbawas lang, dapat ay tanggalin ang confidential funds ng mga ahensya na ang namumuno ay mga trapo (traditional politicians), boom!
◘◘◘
SANA HINDI PABIDA LANG ANG PROMISE NI DOLE SEC. LAGUESMA NA LAHAT NG MANGGAGAWA, MAGKAKADAGDAG-SUWELDO BAGO MAG-PASKO -- Ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma ng Dept. of Labor and Employment (DOLE) ay hindi lang daw mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), Southern Tagalog Region at Central Luzon ang magkakaroon ng dagdag-suweldo, kundi ang lahat daw ng mga manggagawa sa buong bansa ay magkakaroon ng taas-sahod bago mag-Pasko.
Sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, sana totoo ang sinabing ‘yan ni Sec. Laguesma, at hindi pabida lang, period!
◘◘◘
PARANG NANG-AASAR KASI KAUNTI NA NGA LANG ANG NAILULUTO SA SOBRANG MAHAL NG PRESYO NG PAGKAIN, DOE AT ERC NAGTAAS PA NG PRESYO NG LPG --Aprubado sa Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag-presyong P3.50 sa per kilo ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), at ang taas-presyong ito ay simula na ngayong araw, October 1, 2023.
Mapang-asar din naman ‘tong mga opisyal ng DENR at ERC, kasi mantakin n’yo, kaunting pagkain na nga lang ang nailuluto ng mamamayan sa sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin, tapos nagtaas pa ng presyo ng LPG, buset!





Comments