@Editorial | November 25, 2023
Kapag ganitong Kapaskuhan, nagkalat ang mga kriminal. Kumbaga, mas doble-kayod sila sa pambibiktima.
Kamakailan nang maaresto ng mga otoridad ang isang suspek sa tinatawag na ‘Ipit-Taxi’ modus.
Kung saan, ang isang biktima ay natangayan umano ng aabot sa P500,000 na halaga ng mga gamit at alahas.
Sinasabing sa mall kumukuha ng pasahero ang suspek at puro babae umano ang binibiktima. Ang siste, sa halip na ihatid sa destinasyon ang pasahero ay dinadala sa hindi mataong lugar at doon na iipitin ng kasabwat ng suspek ang biktima para tangayin ang mga gamit. Kapag pumalag, sinasaktan pa umano ang biktima.
Kasunod ng pagkakahuli sa holdaper, lumabas na pinapalitan ng suspek ang tatak o pangalan ng taxi na ginagamit nito sa panghoholdap.
Ayon sa pulisya, dati nang may modus na “Ipit-Taxi” sa eastern part ng Metro Manila pero nalansag noong 2014 ang grupo nang madakip ang lider na napag-alaman na tiyuhin umano ng naaresto.
Kaugnay nito, nanawagan ang pulisya sa pamunuan ng shopping malls na higpitan ang seguridad sa kanilang taxi bays lalo na ngayong holiday season.
Umaasa tayo na mas marami ring pulis ang ipapakalat sa labas laban sa mga kriminal.
Huwag sanang hayaan na pakalat-kalat ang masasamang-loob.
Comments