ni Anthony E. Servinio @Sports | December 7, 2023
Nagkulay berde ang 86th UAAP Men’s Basketball! Kinoronahan ang De La Salle University bilang bagong kampeon matapos ang 73-69 tagumpay sa University of the Philippines kagabi sa harap ng 25,192 sa Araneta Coliseum.
Gamit ang walang patawad na depensa, hindi pinapuntos ng Green Archers ang Fighting Maroons ng anim na minuto sa fourth quarter. Lamang noon ang UP subalit nagbunga ang magandang depensa ng magandang opensa na naka-angkla kay MVP Kevin Quiambao at Mythical Five Evan Nelle.
Kahit kontrolado ang laro, hirap lumayo ang Green Archers at selyuhan ang ng maaga resulta. Binigyan ng ilang pagkakataon na baliktarin ng Maroons ang resulta subalit hindi nakisama ang tadhana.
Winakasan ni Francis Lopez ang nakakabinging katahimikan ng UP pero huli na ito at dalawang segundo na lang ang laman ng orasan, 69-71. Mula doon ay nararapat na si Quiambao ang maghatid ng dalawang free throw upang mapreserba ang resulta.
First half pa lang ay naglabas ng matalas na porma at lumamang, 43-39, sa likod ng 13 ni dating MVP Malick Diouf at siyam kay Lopez. Tanging si Quiambao lang ang pumalag para sa DLSU sa siyam bilang reserba.
Pang-MVP talaga ang pangkalahatang numero ni Quiambao na 24 puntos at siyam na rebound. Tumulong si Nelle na may 12 at anim rebound at pitong assist sa kanyang huling laro sa kolehiyo.
Nagpaalam din sa UAAP si Diouf na ay 21 puntos at 14 rebound. Sumunod si Lopez na may 12 habang 10 ang kay Harold Alarcon.
Ito ang ika-10 kampeonato ng DLSU buhat noong naging kasapi sila ng liga noong 1986 at una ni Coach Topex Robinson na wagi agad sa kanyang unang taon sa tungkulin.
Huling nagwagi ang Green Archers noong 2016.
Comments