DLSU, nadale ang Letran at Marinero, solo lider sa D-League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 27, 2022

Pinabagsak ng EcoOil-De La Salle ang dating numero uno at walang talong Wangs-Letran, 94-87, sa tampok na laro sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup kahapon mula sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Dahil dito, tahimik na umakyat ang Marinerong Pilipino sa solong liderato matapos durugin ang AMA Online Education sa unang laban, 87-49.
Mula sa huling tabla na 75-75, bumanat ng dalawang shoot si JC Macalalag upang umabante ang Green Archers, 79-75, at sinundan ito ng mga three-points nina Kevin Quiambao at Joaquin Manuel upang alagaan ang lamang. Hindi pa tapos si Macalalag at nagpasok siya ng pandiin na buslo upang makalayo ng husto papasok sa huling minuto, 90-81, at pinagbuti ng EcoOil ang shooting nila sa free throw upang mapreserba ang tagumpay.
Sa unang laro, ipinagpag ng Marinerong Pilipino ang mabagal na simula upang tambakan para sa kartadang 4-1 at panatilihing walang panalo ang Kings. Umarangkada agad ang AMA sa 13-3 lamang sa bisa ng anim na sunod-sunod na puntos ni Alvin Fuentes subalit nagising ang Skippers at unti-unting bumawi hanggang maagaw ang lamang sa second quarter, 20-19, at hindi na nila binitawan ito hanggang lumaki sa 42 matapos ang 15 na sunod-sunod na puntos nina Juan Gomez de Liano, Joaquin Garcia at Toby Agustin, 87-45, at 1:31 sa fourth quarter.
Sa ikatlo at huling laro, pinahaba ng Apex Fuel-San Sebastian sa apat ang kanilang sunod-sunod na panalo at nanaig sa Centro Escolar University, 71-62, at pumantay sa Marinero na parehong 4-1 panalo-talo. Rumatrat ng 11 sunod-sunod na puntos sina Rafael Are, Alex Desoyo at James Una upang kumalas sa 60-60 tabla at lumamang na may 43 segundong nalalabi, 71-60.





Comments