Divorce, umusad na sa Kongreso

ni Madel Moratillo | February 24, 2023

Lusot na sa Committee on Population and Family Relations ng Kamara ang panukala para sa diborsyo sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng komite ay nagmosyon si Albay Rep. Edcel Lagman para maaprubahan ang 8 Divorce bills. Sinang-ayunan naman ito ng mayorya.
Bubuo naman ang komite ng technical working group na gagawa ng substitute bill para pagsamahin ang 8 panukala.
Tiniyak ng komite na ikukonsidera nila ang mga isyu patungkol sa relihiyon. Una rito, hinikayat din ni dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang mga kapwa mambabatas na aksyunan na ang panukala.
Giit niya sa nakaraang Kongreso ay naaprubahan naman na ang nasabing panukala. Dapat aniyang mabigyan ng pagkakataon ang mga taong itama ang maling desisyon sa pagpili ng makakasama sa buhay.
Si Lagman naman, iginiit na sa lahat ng Catholic countries ang Pilipinas na lang ang hindi pa legal ang diborsyo. Kahit Catholic Hierarchy aniya ay may sariling matrimonial tribunal na nagdi-dissolves sa kasal na maitutulad na rin sa diborsyo. (Madel Moratillo)





Comments