Diskwento sa burol at libing para sa mga lolo at lola
ni Ryan Sison @Boses | March 18, 2023
Naglabas ng desisyon ang Supreme Court (SC) na kasama sa bibigyan ng 20% diskuwento para sa mga senior citizens, hindi lamang ang funeral at burial services kundi maging ang interment services.
Sa ginanap na SC En Banc, kinatigan nito ang petisyon ng gobyerno na irebyu at balewalain ang Enero at Oktubre 2018 resolusyon ng Branch 17 ng Cagayan de Oro City Regional Trial Court (RTC) na hindi isinama ang interment services sa 20% discount. Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda.
Sa dalawang magkahiwalay na resolusyon ng Pryce Corporation, Inc., isang kumpanya na nag-aalok ng interment services at siyang nagmamay-ari ng Pryce Gardens Memorial Parks, ay nakasaad na ang paghuhukay ng lilibingan, pagsesemento ng mga puntod at iba pang serbisyong ginagawa sa aktuwal na libing ay hindi sakop ng diskuwento para sa mga senior citizens.
Ito ay nag-ugat sa special civil action na inihain ng naturang kumpanya, kung saan sinabi nito na ang mga interment services ay hindi saklaw ng 20% discount sa ilalim ng amended Senior Citizens Acts.
Pumabor dito ang RTC, subalit sa naging desisyon ng SC, binigyang punto ng mga mahistrado na bagama’t walang eksaktong depinisyon ang amended law sa terminong “funeral and burial services”, hindi nito nilimitahan ang nasasakop.
Ang terminong “other related services” ay hindi lamang umano nakasentro sa mga binanggit na halimbawa dahil kapag pinag-usapan ang burial services kasama na rito ang interment services.
Sa pahayag pa ng SC, “The Court found that the exclusion by the RTC of interment services from the coverage of the 20% senior citizen discount is not provided under the law, and the IRR, which does not explicitly exclude interment services, cannot be interpreted to support the lower court’s resolution.”
Malaking tulong ang naging desisyon ng kinauukulan para sa ating mga senior citizen na mapaghandaan ang maraming bagay bago pa nila iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kahit maliit at simpleng diskuwento lamang, para sa maiiwanang pamilya ng mga senior ay makapagbibigay na ito ng labis na pakinabang.
Gayundin, hindi na mag-aalala pa sa malaking gastusin sa mangyayaring burol at libing habang maihahatid pa ng mabuti at maayos sa kanilang huling hantungan ang ating mga lolo at lola.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments