top of page

Diskriminasyon sa mga estudyante ng pamantasan, stop!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 17, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 17, 2024


Lahat ng mga estudyante ay pinapayagang makapasok o makapag-enroll anuman ang kanilang kasarian at hitsura. Ito ang binigyang-diin ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST).


Ayon sa EARIST Office of the President, pinahihintulutan nila ang lahat ng mag-aaral na mag-enroll para sa 2nd semester, anuman ang kasarian nito, at kung paano nila dinadala o mina-manage ang kanilang buhok, sa kondisyon na ang mga may mahabang buhok ay dapat na maayos o nakatali. 


Ginawa ng unibersidad ang pahayag kasunod ng viral video ng isang transgender student na sinasabing pinilit na magpagupit ng buhok, bago siya pinayagang mag-enroll sa eskwelahan.


Umani naman ng batikos mula sa mga netizens ang naturang video, na ipinost ng LGBT group na Bahaghari. Subalit, sinabi ng EARIST na ang mga video tungkol sa haircut ay “hindi na-verify”.


Batay sa ulat, ang mga estudyante at mga miyembro ng LGBTQIA+ community ay nagsagawa naman ng rally sa harap ng unibersidad noong Biyernes.


Ayon sa mga estudyante, ang naturang patakaran ay mapanupil o repressive, habang sinabi ng Bahaghari na ang polisiyang ito ay isang malinaw na paglabag sa kanilang mga karapatan.


Binanggit ng EARIST na ang Vice President for Academic Affairs, kasama ang mga concerned directors at college deans, ay nakipagpulong na sa Bahaghari EARIST chapter president at mga kinatawan noong March 12. Sa meeting, nagtapos ito sa isang kasunduan na ang mga partido ay magpupulong uli upang talakayin ang posibilidad ng bagong set ng implementing rules and regulations hinggil sa enrollment.


Sinabi naman ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera na iniimbestigahan na nila ngayon ang insidente.


Ayon kay De Vera, ang patakaran tungkol sa mga estudyante, sa kanilang haircut, uniform, at iba pa, ay nakasalalay sa bawat pamantasan. Walang mga patakaran o rules ang CHED sa isyung ito, dahil bahagi iyon ng kanilang exercise ng kanilang karapatan sa pangangasiwa o administration ng higher education.


Sa kabila ng mga unibersidad na may prerogative na magtakda ng kanilang mga patakaran, hinimok naman sila ng CHED chief na maging “sensitibo” sa mga bagay.


Aniya, dapat na pag-aralan ang compliance nila sa mga batas na naipasa tulad ng mga ipinagbabawal ang discrimination and safe spaces. Kailangan na ang mga patakaran ng unibersidad ay angkop o consistent doon sa mga batas na kailangang i-implement ng lahat.


May batas at ordinansa na tayo na ipinagbabawal ang diskriminasyon at safe spaces, gayundin batas para sa ating mga kababayang LGBTQIA+, pero tila nalilimutan ng mga pamantasan na ipinatutupad ito.


Siguro kailangan lamang na ipaalala sa kanila na dapat itigil ito, kahit na batid nating ang bawat paaralan ay may kani-kanyang polisiya at patakaran, may batas sa kabuuan na dapat sundin ng lahat.


Sakali mang hindi pa rin sumunod at balewalain ito, marapat lang na papanagutin sila sa paglabag dito.


Payo natin sa ating mga kababayan na sana ay pairalin lagi natin ang pagiging sensitibo sa ating kapwa habang irespeto ang sinuman maging anuman ang kanilang hitsura.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page