top of page
Search
  • BULGAR

Disiplina, mas epektib na panlaban kontra COVID-19

@Editorial | March 1, 2021



Patuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.


Kaugnay nito, mananatili pa rin sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at siyam na iba pang lugar ngayong Marso — Apayao, Baguio City, Kalinga, Mountain Province, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City at Lanao del Sur.


Hindi pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi na isailalim na ang buong bansa sa modified GCQ para mas makabawi ang ekonomiya.


Bagama’t, inaprubahan naman ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang uniformed travel protocols ng lahat ng local government units (LGUs). Batay sa panuntunan, hindi na mandatory ang COVID-19 testing at quarantine para sa mga local travelers.


Sa madaling salita, hindi na pahirapan ang pamamasyal o pagbabakasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang tanong, hindi kaya ito maging dahilan para lalong kumalat ang COVID-19?


Samantala, kung nagluwag ang health protocols sa mga bakasyunista, tila nagkakahigpitan naman ngayon sa mga barangay.


Nagkalat ang mga post sa social media at paskil sa mga bahay-bahay na nagbibigay-babala sa mga quarantine violators. Unang-una na ang paglabas nang bahay na hindi naka-face mask, pangalawa ang pagkalat ng mga bata sa lansangan at pangatlo ang paggala at pagtambay sa dis-oras ng gabi. Para sa mga lugar na sadyang talamak ang pasaway, nakikipaghabulan sa mga taga-barangay at hindi na natatakot sa banta virus, ang parusang kulong at multa ay masasabing puwede na rin bilang panakot.


Gayunman, ang higit na panlaban sa pagkalat ng COVID-19 ay disiplina sa sarili at respeto sa mga frontliners bilang sila ang higit na nagsasakripisyo sa gitna ng pandemic.


Kapag sinabing bawal, tumigil. ‘Pag sinabing ito ang mga dapat gawin, sundin.


Magpasalamat tayo dahil mayroon nang bakuna pero, hindi ito rason para mag-party, maglagalag at mawalan ng pakialam sa mga health protocols, kundi ngayon tayo dapat maging mas maingat.


Limitado ang supply ng bakuna, baka ‘pag nagdiwang ang lahat, biglang lumala ang pagkalat ng virus at wala na tayong maiturok, pare-parehong nganga. Kaya kalma lang at maging disiplinado sa lahat ng pagkakataon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page