top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Disiplina at kahandaan, panlaban vs. COVID-19 surge

BULGAR
Jan 5, 2023
1 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 5, 2023

Bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, matatandaang naglabas ang Department of Health (DOH) ng memorandum na nagpapaalala sa lahat ng DOH regional offices, ospital at iba pang ahensya na paigtingin ang surveillance sa mga papasok sa bansa.


Ito ay partikular sa mga manggagaling sa China na makikitaan ng sintomas ng respiratory disease, kasunod ng nangyayaring COVID surge roon.


Gayunman, sa kabila ng pangamba sa kalagayan ng China ngayon, sinabi ni Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na hindi dapat isipin ng publiko na mangyayari rin sa Pilipinas ang nangyayari sa China dahil magkaiba ang bawat estado ng bansa.


Ganito rin ang pananaw ni Infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante, kung saan binigyang-diin nito na kailangang tunay o tugma ang ibibigay na impormasyon ng mga kinauukulan sa publiko.


Ang mahalaga umano ngayon ay ang pananatiling handa ng mga pribado at pampublikong ospital kung sakaling tumaas ang kaso ng sakit.


Magandang balita na tiniyak ng mga kinauukulan hindi tayo matutulad sa China. Pero siyempre, hindi ibig sabihin nito na magrerelaks na tayo.


Sa lahat ng pagkakataon, kailangan pa rin nating pairalin ang disiplina at kahandaan, lalo pa ngayong katatapos lamang ng mga pagtitipon dahil sa holiday season.


Gayundin, batid nating hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos dahil malaking bagay ang kooperasyon ng taumbayan.


Marahil ay natuto na tayo mula sa mga kaganapan sa mga nakalipas na taon at ito ang daan upang maiwasan ang panibagong surge ng COVID-19.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page