Diborsyo sa ‘Pinas, nalalapit na
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 25, 2023
“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao,” ito ang sagradong sakramento ng kasal ng Simbahang Katolika sa bansa.
Subalit, nitong Huwebes, inaprubahan na “in principle” ng Committee on Population and Family Relations ng House of Representatives ang iba’t ibang mga panukala para sa divorce law sa Pilipinas.
Ito ay matapos na magmosyon si Albay Rep. Edcel Lagman para aprubahan ang walong divorce bills habang sinang-ayunan ito ng mayorya.
Ayon sa mambabatas, nakatakdang bumuo ang komite ng technical working group na siyang gagawa ng substitute bill upang pagsama-samahin ang walong divorce bills, kung saan ikokonsidera nila rito ang mahahalagang isyu patungkol sa civil recognition of marriages na na-dissolve ng Catholic Church at iba pang religious denomination.
Binanggit din ni Lagman na sa lahat ng mga bansang Katoliko, ang Pilipinas na lamang ang hindi pa legal at pinapayagan ang diborsyo. Paliwanag pa niya, kahit ang mismong Catholic hierarchy ay mayroong sariling matrimonial tribunal na nagdi-dissolve ng mga kasal na kahalintulad ng diborsyo.
Matagal nang usapin ang pagkakaroon ng divorce law sa ating bansa. Marami na ring mga panukalang inilatag sa Kongreso para umusad at ito ay maipatupad.
Sa totoo lang, kahit may annulment na matatawag sa bansa o kaya naman ay legal separation, kapag ito ang inihain, malaki ang magiging gastusin sa pagsasaayos ng mga dokumento para mapawalang-bisa lamang ang inyong kasal. Gayundin, inaabot pa ng taon bago tuluyang maghiwalay ang mga mag-asawa.
Pabor ang marami sa atin na maisabatas na ito, lalo’t katwiran nila na dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga taong itama ang maling desisyon sa pagpili ng makakasama sa buhay sa pamamagitan ng diborsyo.
May pagkakataon din kasi na ang mga ikinasal ay nakararanas ng domestic violence at dahil kasal nga sila, hindi magawang makipaghiwalay habang titiisin na lamang ang lahat ng uri ng sakit na nararamdaman.
Marahil, tama na magkaroon ng diborsyo sa Pilipinas sa mga sitwasyon na talagang kinakailangan nang maghiwalay ng mag-asawa kaysa umabot pa ito sa pagkakasakitan at pagkawasak ng pamilya.
Gayunman, alalahanin din natin na bago sana tayo pumasok sa isang relasyon ay pakaisipin nating mabuti ang magiging desisyon upang hindi magsisi sa bandang huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments