Diaz-Naranjo sasabak sa Asian Games China
- BULGAR
- Aug 8, 2023
- 2 min read
ni VA @Sports | August 8, 2023

Bagamat hindi kabilang sa mga itinakdang Olympic qualifying event, sasabak pa rin si Hidilyn Diaz-Naranjo sa darating na Asian Games sa China sa Oktubre. Ayon kay Diaz, ang Hangzhou Games ay magbibigay sa kanya ng oportunidad na muling katawanin ang Pilipinas at makadagdag sa kanyang maibibigay na karangalan sa bansa.
“I want to represent our country again in the Asian Games (Asiad). It’s the second highest competition next to the Olympics,’’ ani Diaz.“Whether it’s the Olympics or the Asian Games, I have to be there and compete."
Subalit sa pagkakataong ito, sasabak si Diaz sa mas mabigat na weight class na 59 kilogram dahil ang dati niyang napanalunang 55 kilogram noong 2018 Asiad sa Jakarta ay inalis na at ganito rin ang kanyang gagawin sa Paris.
Nauna nang nagpahayag ang kampo ni Diaz na hindi na sila lalahok sa Asian Games upang makapag-focus sa target nitong ikalimang sunod na Olympics stint.
Ngunit nakita nilang makakatulong ang Asian Games upang manatiling nasa kondisyon si Diaz pagkatapos niyang sumabak sa World Weightlifting Championships na gaganapin sa Riyadh, Saudi Arabia sa Setyembre 2-17 na bahagi ng qualifier para sa Paris 2024 Games. “I can compete in both the world championships and the Asian Games.’’ Sa ngayon ay mayroon ng dalawa mula sa kinakailangan limang torneo si Diaz para magkamit ng ticket sa Paris Olympics at ang world championship ang ikatlong event. Para maging Olympic qualifier, kailangang pumasok sa top 10 ang isang weightlifter sa nasabing limang tournaments. Pagkatapos ng Asian Games, susunod na sasabakan ni Diaz ang 2024 Asian championships na idaraos sa Pebrero 20-27, 2024 sa Tashkent, Uzbekistan at ang 2024 IWF World Cup sa Abril 2-11 sa Phuket, Thailand para makumpleto ang kanyang Olympic qualification.








Comments