Diamond ring, dapat suotin ni misis upang ang mga suwerte ay lumapit
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 22, 2023
Dear Maestro,
Nakaayos na ang lahat ng papeles ng misis ko papuntang abroad, nag-apply siya ro’n bilang domestic helper (DH), at malapit na siyang umalis.
Maestro, matutuloy na kaya ngayon ang pag-a-abroad ng aking misis? Dati kasi laging napupurnada o napo-postpone ang kanyang pag-alis.
Nabiktima na rin kami ng illegal recruiter noong nakaraang taon at malaking halaga rin ang nawala sa amin.
Kung sakaling matutuloy ang pag-alis ng misis ko, magiging maganda kaya ang kalagayan niya sa bansang kanyang pupuntahan?
Ang birthday ng misis ko ay March 28, 1986.
Umaasa,
Toledo ng Bantug, Cuyapo, Nueva Ecija
Dear Toledo,
Ayon sa birth date na 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) ng misis mo, sa destiny number na nagkataong 1 din (3+28+1986=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1) sa zodiac sign na Aries, tiyak ang magaganap tuluyan ng makakapag-abroad ang misis mo sa isang bansa sa Asia at magkakaroon ng mabunga at mabiyayang karanasan sa nasabing bansa.
Habang upang matiyak ang isang mabungang pangingibang-bansa, lagi mo siyang pagsuotin at pagamitin ng suwerte niyang kulay na pula at dilaw.
Mapalad naman siya tuwing sasapit ng petsang 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19, 28, 9, 18, at 27, gayundin sa araw ng Linggo, Martes, Huwebes at Biyernes.
Habang ang batong diamond naman na ipapalamuti sa gintong singsing ang magsisilbing panghigop ng kanyang mga suwerte at pantaboy na rin sa mga negatibong kapalaran.
Sa ganyang paraan, tulad ng nasabi na, sundin n’yo lamang ang mga rekomendasyong inilahad sa itaas, sa taon ding ito ng 2023, sa buwan ng Nobyembre o kaya’y Disyembre, bago sumapit ang pasko, may isang mabunga at masaganang pag-a-abroad ang itatala sa kapalaran ng misis mo.




Comments