‘Di raw totoong kaaway ang in-laws… JENNYLYN, KASAMA ANG PAMILYA NI DENNIS SA PIKTYUR, INILABAS
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 19, 2026

Photo: FB Jennylyn Mercado
Kahit na ano’ng paninirang gawin kay Jennylyn Mercado ay hindi nila mapapaniwala si ‘Nay Cristy Fermin dahil nakatanim sa kanya ang mga kabutihang nagawa ng aktres noong baguhan pa lamang ito sa showbiz. Ito ang mariing sabi ni ‘Nay Cristy sa Showbiz Now Na (SNN) vlog kasama sina Romel Chika at Wendell Alvarez na napapanood sa YouTube (YT).
Kamakailan lang ay viral ang isyung paninira sa asawa ni Dennis Trillo dahil pinagbawalan daw ang aktor na dalawin ang pamilya nito, bukod pa sa hindi rin umano kasundo ng aktres ang mga kapatid ng mister.
“Ako kasi, may naalala ako na kahit na ano’ng pilit pa ng ibang tao na sirain si Jennylyn sa akin, naaalala ko pa ‘yung musmos na bata na pinaso ng sigarilyo. Bakit kailangang magsakripisyo ng anak sa pagkakagulo ng relasyon ng kanyang magulang?” bungad ni ‘Nay Cristy, kaugnay ng panahong naging laman ng balita ang aktres nang siya’y bugbugin at pasuin ng sigarilyo ng kanyang amain.
Ang tiyahin ni Jennylyn na si Mommy Lydia Mercado ang tumayong ina niya at nag-aruga sa kanya hanggang sa sumikat siya sa showbiz.
“Ito po, ang babaw po ng aming kaligayahan. Kaunting bagay na ginawa sa amin ng artista, ‘di na namin ‘yun malilimutan.
“Taong 2006, nag-birthday ako sa Metro Bar (West Avenue). Napakarami na pong tao. May nakita kaming babaeng nagdadalantao, hawak ang ilalim ng tiyan, kagampan na parang manganganak na, bigat na bigat na, at umaakyat sa hagdan. Pagkakita ko, si Jennylyn Mercado!
“Sabi ko, ‘Anak, ‘wag ka nang umakyat, ako na ang sasalubong sa ‘yo.’ Sabi n’ya, ‘Di po, Nanay, aakyat po ako.’
“‘Di ko malilimutan ‘yung hitsura ng babaeng kagampan na umaakyat para lang makabati. At saka maraming pagkakataon na pinupuntahan nila ako ni Mommy Lydia kay Bambbi Fuentes. Umuulan, alam mo naman ang July, buwan ng kaarawan, ulanin ‘yan. Magdadala ng cake. ‘Di ko ‘yun malilimutan talaga.
“Sorry sa lahat ng may ayaw sa kanya pero buo ang kanyang kredibilidad sa akin. Kay Dennis pa nga ako ‘di close,” pahayag ni ‘Nay Cristy.
Nauna nang ipagtanggol ni Dennis ang asawa at sinabi niyang isa ito sa pinakamabuting tao sa kanyang buhay, na malinaw na nagpapahiwatig ng mabuting naidulot ng aktres sa kanyang buhay.
Nabanggit din ni ‘Nay Cristy na ang source ni Ogie Diaz ay hindi raw magsasalita kung
walang naganap na ganoong senaryo.
Si Ogie ang unang naglabas ng isyu sa vlog niyang Showbiz Update. Binasa lamang niya ang mensahe ng kanyang source, inilatag ito nang maayos, at inilabas din ang post ni Dennis at ng manager nilang si Tita Becky Aguila na ipinagtatanggol si Jennylyn.
“Maaaring may pinag-ugatan ito na pinagbabawalan si Dennis at nagagalit si Jennylyn kapag pupunta s’ya sa kanyang pamilya. Si Dennis ay ‘di nagpapabaya sa pagsusustento sa kanyang ama’t ina. Siguro, may pagkakataong hindi nagkaintindihan. May pinag-ugatan ito kasi ‘di puwedeng lumabas ang isang isyu nang walang pinagmulan,” diin ng SNN host.
Dagdag ni Romel Chika, “Maliban na lang ‘pag nagkukuwento ka kasi galit ka sa tao.”
Sabi naman ni Wendell, “Sigurado ‘yun kasi ‘di naman magkukuwento ‘yung source kung wala s’yang nakita at may dahilan talaga. ‘Di puwedeng wala.”
Naintindihan din ni ‘Nay Cristy ang pagtatanggol ni Tita Becky kay Jennylyn dahil alaga niya ito at sinabi niyang ‘she’s the sweetest person’ na nakilala niya.
Puring-puri rin ng SNN hosts ang blended family nina Dennis at Jennylyn dahil pareho silang may anak sa dating karelasyon na mahal na mahal ng bawat isa, at ngayon ay may sarili silang anak na si Dylan, ang nag-iisang babae.
“Dito po ay ‘di natin inaalis ang posibilidad na mayroong source na may alam na kuwento at ‘di lang natin alam kung gaano ito kakumpirmado.
“Sabi ni Dennis, hindi naman showbiz ang kanyang pamilya kaya ilabas na sa isyu. Chinese sila?
“Naalala ko pa tuloy ‘yung mga video ni Dennis kasama ang tatay n’ya na naggo-grow sila ng mga gulay sa bakuran. Natutuwa ako, pero bakit naman kaya magagalit si Jennylyn na magpunta si Dennis sa pamilya n’ya?”
Tingin ni Wendell ay may nanira sa mag-asawang Dennis at Jennylyn.
Nabanggit pa na magkaiba noon ang manager nina Dennis at Jennylyn hanggang sa lumipat ang aktor sa manager ng aktres upang si Tita Becky na lamang ang humawak sa kanilang karera.
Sabi pa ni ‘Nay Cristy na may mga larawang nakasama ng pamilya ni Dennis si Jennylyn, sabay pakita ng mga larawan sa SNN.
Aniya, “Siguro, may ilang pagtitipon na ‘di nakakapunta si Jennylyn. Multi-task ang routine ng aktres. Nag-aalaga ng mga anak, umaarte, nag-aayos ng bahay. Isang dakilang asawa rin. Multi-tasking ang ginagawa n’ya. Hahanapan pa ba natin ‘yun?”
Muling idiniin ni ‘Nay Cristy na kahit mataas na ang career ngayon ni Jennylyn ay mananatiling alaala sa kanya ang batang nagsakripisyo noon. Alam din ni Dennis ang mga pinagdaanan sa buhay ng kanyang asawa kaya ganoon katindi ang pagmamahal at pagpapahalaga niya rito.
“Sana ang kuwentong ito ay maputol agad at sana ang source ni Ogie ay hindi isang daang porsiyento. Si Ogie ay wala namang kasalanan dahil inilatag lang n’ya ang source n’ya at inilabas din ang post ni Dennis. Napakalaki ng naitulong ni Ogie sa karera ni Dennis Trillo,” sabi ni ‘Nay Cristy Fermin.








Comments