‘Di nakatapos ng hayskul, makakapag-abroad na, yayaman pa dahil taong singko
- BULGAR
- Nov 17, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 17, 2022
Dear Maestro,
Ano ang aking suwerteng kulay, araw at numero at dapat ko bang ipagpatuloy ang pag-a-apply ko bilang domestic helper sa Saudi?
Sa totoo lang, pinanghihinaan ako ng loob dahil hindi ako nakatapos ng high school, pero minsan ay naiisip ko rin na ang pag-a-abroad lang ang paraan upang kami ay makaahon sa kahirapan at umasenso ang kabuhayan kahit papaano.
Sa ngayon, tindera ako ng mga used cloth at mag-isang bumubuhay ng aking mga anak dahil hiwalay ako sa dating live-in partner ko. Sa palagay n’yo, may pag-asa pa bang umasenso ang buhay ko para mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang aking dalawang anak? June 23, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Carmela ng Liciada, Butos, Bulacan
Dear Carmela,
Ang zodiac sign mong nasa pagitan ng Cancer at Gemini, gayundin ang birth date mong 23 o 5 (ang 23 ay 2+3=5) ay nagsasabing silver, gray, powder blue at puwede ring metallic blue ang mapalad mong kulay.
Habang kung ang titingnan ang destiny number mong 8 (6+23+1986=2015/ 20+15=35/ 3+5=8), puwede rin sa iyo ang berde at ang lahat ng kulay na hinango sa berde.
Sa Numerology, magiging mapalad ka naman sa lahat ng numero na may sumatotal na 7, 5 at 8, tulad ng 7, 16, 25, 34, 5, 14, 23, 32, 41, 17, 26, 35, 44 at iba pang kauri nito. Higit lalo tuwing sasapit ang mga petsang 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 5, 14, at 23, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes, Miyerkules at Linggo. Ang mga nasabing numero ay maaari mong subukan sa anumang uri ng pakikipagsapalaran at iba pang number games, gayundin, puwedeng gamitin bilang iyong suwerteng petsa o number ng bahay, plate number ng sasakyan at kung may pa-raffle sa inyong lugar, maaari mo ring gamitin o subukan ang nabanggit na mga numero.
Samantala, tama naman ang iniisip mong mag-apply sa abroad upang umasenso. At ang pangingibang-bansa na ito ay maaaring maganap sa taong kasalukuyan hanggang sa susunod na taong 2023 at 2024.
Huwag mo ring kalilimutan ang tunay na kahulugan ng numerong 23, tulad ng 14 at 5, ang mga taong nagtataglay ng mga numerong ito ay nakakapag-abroad, yumayaman sa pagnenegosyo o pag-aasawa.
Kaya kung sakaling may dumating kang manliligaw na may kaya sa buhay, wala kang dapat gawin kundi sagutin siya agad, sapagkat maaaring ‘yun ang itinakdang magandang kapalaran sa iyo ng tadhana — ang yumaman sa pag-aasawa na isa rin sa nakatakdang kapalaran para sa mga Taong Singko (5) na tulad mo.
Habang, ayon naman sa iyong Travel Calendar, tulad ng nasabi na, significant at favorable years mo sa pangingibang-bansa ang mga taong 2022, 2023 at 2024, at sa edad mong 36 pataas, sa nabanggit na panahon, tiyak na may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.




Comments