‘Di makontak ang ex nang sabihang buntis, makakabalikan
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 7, 2023
Dear Maestro,
May boyfriend ako, pero naghiwalay kami nang nalaman niyang buntis ako. Gusto kong malaman kung babalikan pa ba niya ako?
Sa ngayon, nandito ako sa bestfriend ko dahil hindi ko pa pinapaalam sa mga magulang ko ang nangyari sa akin, nagbabakasakali rin akong matauhan at bumalik ang ex-boyfriend ko.
May dalawang buwan na siyang wala at hindi nagpaparamdam sa akin.
Sa palagay n’yo, Maestro, tama ba ang pakiramdam ko na babalikan ako ng ex ko ‘pag naisip niyang mali ang kanyang ginawang pag-abandona sa amin ng magiging anak niya?
October 4, 1997 ang birthday ko at January 28, 1991 naman ang birthday ng ex-boyfriend ko.
Umaasa,
Jinky ng Burgos, Rodriguez, Rizal
Dear Jinky,
Tama ang pakiramdam mo at matalas nga ang iyong intuition dahil nakakatuwang makita na compatible ang zodiac sign mong Libra sa zodiac sign na Aquarius ng ex-boyfriend mo dahil ang naturang mga zodiac sign ay nagtataglay ng iisang elemento – ang air o hangin.
Gayundin, ang kinalabasang pagsusuri sa Numerology, kung saan ang birth date mong 4 at 28 o 1 (2+8=10/ 1+0=1) naman ang ex-boyfriend mo ay nagsasabing kapwa kayo pinaghaharian ng planetang Uranus-Sun.
Ibig sabihin, hindi lang sa Astrology kundi pati sa Numerology ay tugma kayo sa isa’t isa at angkop ang inyong relasyon.
Gayundin, nangangahulugan ito na sa malapit na hinaharap o ngayong 2023, tiyak na pagsapit pa lamang ng kalagitnaan ng buwan ng Abril, isang mala-himalang kaganapan ang mangyayari, habang umiinit ang dahil sa tag-araw – magbabalik ang iyong ex-boyfriend.
Sa pagkakataong ito, pananagutan niya ang iyong pagbubuntis hanggang sa tuluy-tuloy na kayong magpakasal at magsama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments