'Di kinaya kaya 3 months lang…

MR. M, UMAMING P3 MILYON ANG LUGI NG PRODU KADA LINGGO SA SHOW NINA PIOLO AT MAJA
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | January 21, 2021

Nagkakaisa ang opinyon ng mga netizens na 'karma' diumano ang sinapit ng mga artistang involved sa programng Sunday Noontime Live (SNL) na sina Piolo Pascual at Maja Salvador at maging ang direktor ng show na si Johnny Manahan matapos na biglaang masibak ang programa nila sa TV5.
Alam naman ng lahat na dating solid Kapamilya sila na biglang naglipat-bakod noong ibasura ng Kongreso ang hiling na bagong prangkisa ng istasyon.
Dahil sa nangyari, marami ang nag-akusang ibinasura nila ang kanilang loyalty sa network na ilang dekada nilang naging tahanan.
Mabuti pa raw si Vice Ganda ng It's Showtime na nagdeklarang, "Kahit magkamatayan na, hindi ko iiwanan ang ABS-CBN," kaya't todo-todo ang blessings na dumarating sa Unkabogable Star kahit sa panahon pa ng krisis.
Ikinagulat at ni hindi man lang daw inabisuhan si Manahan o mas kilala sa showbiz bilang Mr. M (ang dating chairman emeritus ng Star Magic na talent management arm ng ABS-CBN at direktor ng ASAP Natin 'To) na sila'y sisibakin na sa ere. Halos tatlong buwan lamang tumagal sa ere ang SNL simula nang i-launch ito last October 18, 2020.
Ang SNL ay isang blocktimer show na ipinrodyus ng Brightlight Productions na pag-aari ni dating Negros Occidental Representative Albee Benitez na siya ring naglabas ng statement last January 18 tungkol sa “season ender” ng SNL at ng isa pa nitong programa, ang gag show na Sunday Kada.
Sa panayam ng Summit Media kay Mr. M last January 19, 2021, alam daw nito na lugi ang prodyuser sa programang SNL na halos tatlong milyong piso ang budget per episode.
Pahayag ng dating Kapamilya executive, “Usually, when they pull the plug, that means you’re not making enough money. They probably weren’t generating enough sales, that’s the main reason for shows to get cut. That’s probably what happened."
Pero kung susumahin daw ang nangyari, isang “surprise” para sa kanya ang biglaang cancellation ng show.
“I wish it had happened in another way. But it was kind of a surprise for us when all of a sudden, we were told that the show is being discontinued, and we just have to roll with the punches... on to the next project.”
Sa kanyang pakikipag-usap sa Brightlight producer, tinanong si Mr. M kung magkano ang dapat na budget. Akala ng produ, much cheaper sa ASAP Natin 'To dahil sina Piolo, Maja at Catriona Gray lang naman ang malalaking artistang involved.
Kaya lang, kung susumahin, aabot din ng P3 million something dahil sa ibang guests at production numbers na gagawin sa show. Hindi naman daw kaila ito kay ex-Cong. Benitez.
“Alam niya 'yun, eh, so he should have done the math, hindi ba? Alam niya kung magkano ang spots. Eh, ayun. Somehow, he didn’t do the math, so tira lang siya nang tira, fund the show.”
May mga kani-kanyang responsibilidad ang magkabilang panig, si Mr. M ang namahala sa creative side ng produksiyon, habang si Albee ang namahala sa business side.
Pagkatapos ng tatlong buwan o katumbas ng isang cycle lamang ng SNL, kinausap ni Albee si Mr. M at sinabing hindi sapat ang kinikita ng show para mabawi ang expenses nito.
Binanggit din daw ni Albee ang mahinang signal ng TV5 kaya hindi malakas ang ratings ng musical-variety show nito kumpara sa mga kalabang All-Out Sundays ng GMA-7 at ASAP Natin ‘To ng ABS-CBN na umeere rin sa cable at mga stream channels ng Kapamilya Network.
Kuwento ni Mr. M, “Until, after one cycle or three months, he comes to us and says, ‘You know, I’m really losing money and the reality is we don’t generate a lot of money per spot because mahina ang signal ng Channel 5. Tapos, hirap pa tayo mag-rate. Somehow, we’re not rating as well as the first two shows.'
"Hindi ba dapat, he should’ve done the math? ‘I would’ve told you, talagang malulugi ka doon sa three point something.’
“Eh, kasi ako, hindi naman ako kasali diyan sa business side, I just do the show. Ayun pala, I should’ve gotten… nakialam sana ako doon sa business side.
“I would have told him, ‘Huwag na nating ituloy ito, matatalo ka talaga.' I thought, you know, as a newcomer, 'I don’t mind if I lose money, I just want to get into the business.’
“So, sabi ko, ‘Akala ko, ganyan ka, eh. 'Yun pala, you mind also losing money.'”
Kilalang negosyante si Albee. Isa siyang billionaire businessman na involved sa pag-o-operate ng bingo parlors nationwide. Kaya't alam niya kung palugi na ang pinasukang negosyo at kung kailan ito patitigilin.
Kaya nagulat silang lahat nang biglang magsabi si Albee na malaki na ang kanyang lugi kaya't kinakailangan nang wakasan ang negosyong wala naman siyang napapalang return-of-investment.
Ang masakit kay Mr. M, may inihahanda na raw silang teyping sa mga susunod nilang episodes subali't inabutan nga ng tigbakan alley?
“Tapos bigla na lang sasabihin 'We have to pack up the show.’ It’s a big loss. I’m bleeding money, blah… blah...’ My God, you should have done the math, I could’ve saved you trouble.’
“He spent a lot of money, tapos 'di rin pala alam what the rates were and whether it would generate enough to cover 'yung expenses,” waring may paninisi pang sabi ni Mr. M.
Ang malungkot pa raw, in-assure sila ni Benitez na tatakbo ang programa ng dalawang seasons o anim na buwan, na ibig sabihin ay hanggang March, 2021.
"Sabi, six months o nine months pa nga, may promise na ganu'n.
“Biglaan na lang he’ll say, 'Next week, magri-replay na lang,'” pag-alala ni Mr. M.
Nang magkausap naman sila ng chairman ng TV5 na si Manny V. Pangilinan, humingi si Mr. M ng isa pa sanang linggo, "Para makapag-goodbye lang.”
Kaya lang, ang naging sagot sa kanya ng TV5, “Sorry, ha? Naibigay na namin sa iba."
"Napakasakit, Kuya Eddie," tanging comment ng Vice Ganda fanatic na si Gil Villanueva ng Antique.
Kaya't ang tanging hiling lamang ni Mr. M ngayon sa mga artistang nagtiwala sa kanya, sana ay mabigyan muli ng trabaho ang mga production people ng SNL. Ang mga ito ay galing sa ASAP na sumama kay Mr. M.





Comments